Tatak Bayani


Tatak Bayani

Ni Kenneth C. Salvador


Tinaguriang bayani, nagbuwis ng buhay

Matalino, makabayan, may angking husay

Dr. Jose P. Rizal ang kaniyang pangalan

Isa ring manunulat ng ating bayan.


Jose Protacio Rizal Mercado Y Alonzo Realonda ang kaniyang buong ngalan

Sa Calamba Laguna, siya’y isinilang

Hunyo 19, 1861 ang kaniya namang kapanganakan

Tinawag na Pepe sa kanilang tahanan.


Si Donya Teodora ang kaniyang ina

Unang guro niya sa abakada.

Si Don Francisco naman ang kaniyang ama

Pinag-aral siya sa Ateneo de Manila.


Sa Unibersidad ng Santo Tomas, kursong medisina’y kinuha

Upang gamutin ang katarata ng mahal niyang ina.

Sa hindi magandang pakikitungo ng Kastila

Ang nag-udyok sa kaniya na magtungo sa Espanya.


Si Dr. Rizal, isa ring dalubwika

Iba’t ibang lenggwahe ang inaral niya,

Arabe, Ingles at Aleman

Mapa-Hapon, Italyano at Latin man.


Sa kaniyang kabataan,

maraming babae sa kaniya ay dumaan

Buhay pag-ibig niya ay naging makulay

Josephine Bracken at siya’y ‘di mapaghihiwalay.


Sa angking husay sa pagsusulat

Maraming mga akda ang kaniya nang naisulat

“Sa Aking mga Kabata”, ang una niyang akda

Na ang pahiwatig ay pagmamahal sa sariling wika.


Nakasulat din siya ng dalawang nobela

Noli Me Tangere at El Filibusterismo

Mga nobelang naglantad at nagmulat sa kalagayan ng mga Pilipino

Sa maling pamamalakad ng Kastila at ‘di makatarungang pagtrato.


Sumulat din siya ng mga tula

Mi Ultimo Adios ang huli niyang akda

Nagsasaad ng wagas na pag-ibig sa kapuwa

Pagmamahal sa bayan, dito rin niya inilathala.


Kaya naman dapat siyang pasalamatan

Sa pagtulong sa ating mamamayan

Dahil sa kaniya’y nakamit ang kalayaan

Ngalang Dr. Jose Rizal, nakatatak sa ating isipan.

Tatak Bayani Tatak Bayani Reviewed by JKL on 1:27 AM Rating: 5

No comments:

Note: Only a member of this blog may post a comment.

Powered by Blogger.