Noli Me Tangere: Mahahalagang Pangyayari sa Buhay ni Crisostomo Ibarra


Basahin at unawain ang Kabanata 57: Sa Aba ng mga Natalo at Kabanata 58: Ang mga Isinumpa. Alamin kung ano-anong damdamin at tunggalian ang nakapaloob sa bawat kabanata.

Bago ka magpatuloy, iyo munang palawakin ang kaalaman sa mga piling salitang may malalim na kahulugan na hango sa mga kabanatang tatalakayin upang mas maunawaan mo ito. 


Halina’t simulan mo na!


Paglinang sa Talasalitaan

1. tribuna – pulungan

2. tinulutan – pinayagan 

3. directorcillo – tagapagtala 

4. kinalululanan – kinalalagyan 

5. boyoneta – kutsilyo 

6. pangko – kalong

7. dinakip – hinuli

8. panulukan – interseksyon (street);sulok

9. tupok – sunog

10. kaalakbay – kasama


Kabanata 57: Sa Aba ng mga Natalo


Malungkot pa rin at lubhang tahimik ang paligid ng tribunal. Palakad-lakad ang mga sibil na walang kabuhay-buhay. Maging ang bulwagan ng tribunal ay ‘di katulad noong pinag-uusapan ang pista. Mainitan man ang pagtatalo ay naging masigla pa rin kataliwas ngayon. ‘Di mapakali ang alperes. Sa isang sulok naman naroroon ang kaniyang esposa na tinulutang makapanood ng mga pagtatanong at pagpaparusa. Wala rin sa kaniyang silyon ang kapitan kaya lalong lumungkot ang larawan ng hari ng Espanya sa kaniyang pag-iisa. Parang may pinaglalaanan ito ng silyon. Wala namang tigil ang directorcillo sa kasusulat.


Mataas na ang araw nang dumating ang kura. Ito man ay walang sigla. Kunot-noo ito at labis ang pamumutla. Hindi raw sana niya ibig na dumalo dangan at mahigpit ang anyaya ng alperes. Una nitong itinanong si Ibarra at ang tinyente mayor. Kasama ng mga ito ang walo pang bilanggo. Si Bruno lamang ang sinawing mamatay, bagamat naitala na raw ang salaysay nito bago binawian ng buhay.


Matapos batiin ang donya, naupo na ito sa silyon ng kapitan. Dalawa sa mga nasa loob ang ipinalabas. Una si Tarsilo na pinagigitnaan ng dalawang sibil. Ito raw ang nagtanggol at nagpatakas sa mga kasama nang nagkakagipitan na. Kasunod naman ang isang masinto-sinto na nagpapalahaw ng iyak. Paika-ika ito at duguan ang salawal. Sumisigaw ito na hindi na siya pupunta sa patyo. Nagtangka nga itong tumakas subalit nabaril sa pigi.


Inunang siyasatin si Tarsilo. Itinanong dito kung ano ang pangako sa kanila ni Don Crisostomo. Wala raw itong kinalaman sa kanila. Siya ay sumama sapagkat nais na iganti ang amang pinatay sa palo ng mga kawal. Hindi napilit na pagsalitain ang binata ayon sa kanilang nais na marinig. Ipinadala ito sa kinaroroonan ng mga bangkay. Nasa isang sulok ng patyo ang isang lumang karitong kinalululanan ng mga bangkay. Natatakpan ito ng isang banig na sira-sira. Yao’t dito ang isang kawal na panay ang dura. Maasim ang mukha nito na para bang diring-diri sa kaniyang paligid.


Nasulyapan ni Tarsilo ang bangkay ni Pedro, ang asawa ng baliw na si Sisa. Nakita rin niya ang bangkay ng kapatid na tadtad ng saksak ng bayoneta. May tali pa sa leeg si Lucas na sabi ay nagbigti. Makailan ding tinanong ang binata kung kilala ang sinoman sa mga bangkay. Makalawang umiling ang matapang na binata kaya’t sa galit ng alperes ipinapalo ito sa isang kawal. Hindi pa nasiyahan ipinabalik sa bulwagan upang muling tanungin. Hindi na ito makapagsalita sa tindi ng kirot ng katawang pumutok sa palo. Naraanan ng pari ang isang kabataang babae na kulang na lamang ay maglupasay sa kaiiyak. Ito ang kapatid na babae ng magkapatid na Bruno at Tarsilo.


Malayo na si pari Salvi ay patuloy pa rin ang pagpapahirap. Binulungan ng donya ang asawa na tumango-tango at iniutos na dalhin sa balon ang bilanggo. Nahulaan na ng mga naroroon ang mangyayari. Titimbangin ito hanggang sa umamin. Binulungan ng directorcillo at ng kapitan ang binatang umamin na upang ‘di labis na maghirap. Nakiusap lamang ito na madaliin nalamang ang pagpatay sa kaniya. Ilang ulit itong inilubog. Luwa na ang mga mata at tadtad ng sugat ang mukha at katawang sumasagi sa mabatong gilid ng balon. Isa itong patay na balon, tapunan ng mga basag na bote, plato, at kung ano-ano pang basura. Nang hindi na ito gumagalaw, pinaso ng donya ang binti nito at natiyak na wala nang buhay. Napansin ng mga nakapaligid na kusa nitong ininis ang sarili. Ipinababa ito sa tikwasan at isinama sa mga nasa kariton.


Isinunod ang ikalawang bilanggo na nakilala lang sa tawag na Andong. Ayon sa kaniyang salaysay, lumabas lamang ito ng bahay upang tugunin ang tawag ng isang mahigpit na pangangailangan. Doon sa dakong madilim na patyo sana idaraos ang sarili nang magputukan at nang tatakbo na nga ay nabaril sa pigi. Isang hampas ng yantok ang tumapos sa kaniyang pagsasalaysay. Iniutos ng alperes na ibalik ito sa bilangguan. Nagpahayag na ang mga bilanggo ay dadalhin sa ulumbayan bago magdapit-hapon.


Kabanata 58: Ang Isinumpa


Binalot ng takot ang buong bayan nang mabalitang iaalis na ang mga bilanggo. Halos mawala sa sarili ang karamihan sa mga kaanak ng mga bilanggo. Hindi nila malaman ang susulingan. Naroong pumunta sa kumbento ngunit ‘di makausap ang kura at may sakit. Lalo namang wala silang mapala sa alperes kundi pagbabanta at pananakit ng mga sibil na bantay. Ang kapitan naman ay tulad din ng dati na inutil sa ganyang kaso.


Hindi alintana ng mga kaanak angmatinding sikat ng araw. Ang asawa ng tenyente mayor na dating masayahin, si Doray, ay wala nang ginawa kundi umiyak habang pangko ang anak na lalaking sumasabay sa pag-iyak ng ina. Kung may nakababati sa anak na baka magkasakit sa pagkakabilad, ang isinasagot ay ‘di na raw baleng magkaganoon kung wala rin lamang amang magpapaaral dito. Bukod-tanging si kapitana Maria ang tahimik. Patingin-tingin lamang ito sa paligid na wari bang wala nang inaabangan kundi ang masulyapan man lamang ang dalawang anak. Maging ang biyenan ng gunggong na si Andong ay maingay na nagsasabing dinakip ang kaniyang manugang dahil sa bago nitong salawal. Si Kapitana Tika naman ay pinakatatawag-tawag ang anak na si Antonio. Lahat halos ay sinisisi si Ibarra. Ang guro at ang maestro de obras ay palakad-lakad kasama ng karamihan. Nakaluksa na si Ńol Juan pagkat nakikini-kinita raw nito ang talagang mangyayari sa pagpapatayo ng paaralan. Ikalawa na ng hapon nang dumating ang isang lumang karitong hila ng dalawang toro. Tinangka itong sirain ng mga tao subalit pinigil ni Kapitana Maria.


“Saan sasakay ang mga mahal natin sa buhay kung sisirain ninyo ang kariton? Gusto ba ninyong maglakad na lamang sila?” ang marahang wika nito sa mga naroroon na madali namang napayapa. Sukat ito at dagling pinaligiran ng mga kawal bago pinalabas ang mga bilanggo nang nakahanay sa pangunguna nina Don Filipo Lino at Crisostomo Ibarra. Pagkakita ng tenyente sa asawa, masaya itong binati na humahagulgol naman kasabay ng anak. Si Andong naman ay umiyak din pagkakita sa biyenan. Sina Albino, ang dating seminarista at ang kambal ni Kapitana Maria ay nakagapos. Si Ibarra ay hindi bagamat natatalibaan ng dalawang sibil. Umugong ang punang bakit daw si Ibarra pa ang walang posas, kaya hiniling nito sa sarhento na siya ay igapos nang abot-siko. Siya lamang ang walang kaanak, kakilala o kaibigan nang mga sandaling iyon, maging ang guro at si Ńol Juan ay nawala sa pulutong ng mga taong nanonood. Isang kaanak ni Albino ang pumukol kay Ibarra. Sumunod ang marami. Hindi ito inilagan ng binata. Nasa balintanaw niya ang mga kaanak ni Elias, ang nuno nitong inililibot sa mga lansangan, pinapalo sa bawat panulukan na balat.


Nadaan sila sa tupok nang bahay ni Ibarra. Noon tumulo ang kaniyang luha na hindi man lamang mapahid pagkat nakatali ang mga kamay. Naisip na lamang na wala na ang nilakihang tahanan, walang kaanak na nagmamalasakit at lalong walang kinabukasang natatanaw. Maging si Sinang nang mga panahong iyon ay kinagagalitan ng ama na iyakan o banggitin man lamang ang pangalan ng nobyo ng kaibigan.


Samantala, isang matandang lalaking nanghihina at balot ng makapal na lanang kumot ang malungkot na nagmamasid sa pangkat na pinangungunahan ng alperes na sakay ng isang kabayo, batbat ng mga sandata at kaalakbay ang maraming sibil. Nang mawala na sa tingin ang pangkat, hirap na hirap na humakbang pabalik sa kaniyang tirahan. Kinabukasan, natagpuan ng mga pastol na wala nang buhay sa may pinto ng kaniyang bahay ang matandang pilosopo.


Salamat sa matiyaga mong pagbabasa! Nalaman mo na ngayon ang iba’t ibang uri ng damdamin at tunggalian na nakapaloob sa akdang binasa. Bilang pagpapatuloy, unawain mong mabuti ang mga paraan o ekspresyon ng pagpapahayag ng damdamin. Maraming paraan ng pagpapahayag ng emosyon o damdamin. Alamin mo ito upang madali mong maunawaan ang

aralin.

Noli Me Tangere: Mahahalagang Pangyayari sa Buhay ni Crisostomo Ibarra Noli Me Tangere: Mahahalagang Pangyayari sa Buhay ni Crisostomo Ibarra Reviewed by JKL on 12:33 AM Rating: 5

No comments:

Note: Only a member of this blog may post a comment.

Powered by Blogger.