“Gayundin naman, ayaw ng iyong Amang nasa Langit na mawala isa man sa maliliit na ito” – Mateo 18:14.
Ano kaya ang ibig sabihin ng matalinghagang pahayag na ito? Halina’t basahin mo ang isang maikling kuwentong inihanda ko para sa iyo upang maunawaan mo ang pahayag.
Lapis at Pambura
Ni Kenneth C. Salvador
“Teng...Teng...Teng...” Tunog na pinakahihintay ni Mario. Hudyat ito na tapos na ang klase. Para sa kaniya, isang nakababagot na araw ang mamalagi nang walong oras sa loob ng silid-aralan. Sa wakas, makakasama na niya ang kaniyang mga kaibigan na kanina pa naghihintay sa kaniya sa kanilang tambayan.
Si Mario ay labingsiyam na taong gulang na, subalit dahil sa barkada, ay nahinto sa pag-aaral. Nagpabalik-balik sa ikasiyam at ngayon ay pangatlong taon na sa ikasampung baitang. Ang kaniyang mga magulang ay parehong nagtatrabaho sa sikat na kompanya sa karatig bayan. Kaya pagdating sa pinansiyal na pangangailangan ay masasabing hindi siya kinakapos. Nabibili niya ang lahat ng nais. Ngunit hindi alam ng kaniyang mga magulang na hindi siya pumapasok sa paaralan. Halos lahat ng asignatura ay bagsak. Natakot siya na malaman ng kaniyang mga magulang kaya inilihim niya ito. Bumarkada siya sa mga taong akala niya ay maka-iintindi sa kaniya subalit nahikayat lamang siya nito sa maling daan.
Walang lihim na hindi nabubunyag. Nalaman din ito ng kaniyang mga magulang kinalaunan. Pinagalitan siya at sinermonan gaya ng mga nakaraang mga taon. Pinag-enrol muli siya ng mga sumunod na mga taon. Ngunit para sa kaniya, hindi lamang pinansiyal ang kailangan niya kundi ang aruga ng mga ito.
“Uy, ‘tol. Tagal mo naman. Kanina ka pa namin hinihintay.” Ang sabi ng kaibigan niyang si Fred, sabay abot sa isang istik ng sigarilyo. Sinindihan niya ito kasunod ng madalas na paghitit dito.
“Eh pa’no nga, katagal magpalabas. Inip na inip na nga ako. Nagsasawa na ako sa boses ni Bb. Aguirre. Madalas sermon ang inaabot ko sa kaniya. Wala na akong ginawang tama.” Sagot naman ni Mario na halata sa mukha ang pagkainis.
Isa-isa nang dumating ang mga kaibigan nina Mario at Fred. Mga kabataang sanay sa bisyo. Kakikitaan ng mga tattoo ang ilang bahagi ng katawan, may hikaw ang kanang tainga, at may ahit ang kilay. Ang ilan ay nakahubad pa, tila init na init dahil sa nakalalasing na inumin. Kuwentuhan kasabay ng malalakas na hagalpak at hiyawan. Mababakas ang kalasingan sa mga mata at kilos. Ikaanim, ikapito, ikawalo. Hindi, ikalabing-isa na ng gabi nang siya ay nakauwi. Dahan-dahan sa pag-akyat upang hindi makagawa ng anomang tunog na makapagpapagising sa kaniyang magulang. Subalit... nagkamali siya. Gising ang kaniyang ama at naghihintay sa kaniyang pagdating.
“Nakainom ka na naman!”, halata sa mukha ang galit ng ama na sumalubong sa kaniya. Walang imik si Mario. Alam na niya ang susunod na sasabihin nito. Tuloy-tuloy lamang siya sa kuwarto. Napabuntong hininga at pumikit kasabay nang mahinang usal na “balang-araw ipagmamalaki n’yo rin ako.”
“Ngayon ay susulat kayo ng isang tula tungkol sa isang bagay na pinakamimithi o gusto n’yong makamit sa buhay”, ang sabi ni Bb. Aguirre sa kaniyang mga estudyante. “Hayst. Anong oras na ba?” sabay bunot sa cellphone na nasa bulsa ng kaniyang pantalon. Napatapik siya sa kaniyang noo nang malaman niyang mag-aalas onse na ng umaga. Huli na siya sa oras na napag-usapan ng kaniyang mga kabarkada. Balisa siya, at hindi mapakali. Napansin siya ng kaniyang guro.
“Mario, maiwan ka mamaya pagkatapos ng klase”, sabi ni Bb. Aguirre. Bakas kay Mario ang pagkainis.
Tumunog na ang bell na hudyat na tapos na ang klase sa umagang iyon. Naiwan siya at naupo sa harap ng mesa ni Bb. Aguirre.
“Mario, kumusta ka? May problema ka ba? Kung pagkakatiwalaan mo ako, puwede mo akong sabihan ng mga problema mo. Bilang iyong guro at pangalawang magulang, gusto kong mapabuti ka. Alam kong may mabigat sa kalooban mo na hindi mo mailabas kaya idinadaan mo sa pagsama sa mga barkada mo.” Sunod-sunod na pahayag ni Bb. Aguirre. Nakayuko lamang si Mario habang ipinapaikot ang cellphone sa kanang kamay. ‘Di makahagilap ng mga salitang sasambitin.
Unti-unting bumalik sa kaniyang alaala ang mga salitang binitawan ng ina niya. “Wala kang mararating sa buhay mo. Hanggang ganyan ka na lang. Sayang lang ang mga sakripisyo namin ng tatay mo. Tandaan mo, hindi habang buhay, nandiyan kami para sa’yo. Darating ang araw na mamumuhay kang mag-isa at magkakaroon ng sariling pamilya at sana huwag mong danasin ang mga bagay na pinararanas na sama ng loob sa amin ng tatay mo. Mahal ka namin kaya sana pagmalasakitan mo ang lahat ng ginagawa namin para sa’yo.”
Nag-uunahang bumagsak ang namuong luha sa kaniyang mga mata. Sa wakas, may isang taong nakaintindi sa kaniyang nararamdaman. Ang kaniyang guro na daratnan sa umaga at iiwanan niya pagkatapos ng klase. Ang guro na sa palagay n’ya ay puro sanaysay, tula, maikling kuwento at nobela ni Jose Rizal lang ang alam. Subalit ipinakita ng gurong ito ang malasakit n’ya sa kaniyang mga mag-aaral.
Dito na nagsimulang magkuwento si Mario. Kung paano siya napunta sa ganitong sitwasyon. Bawat araw ay nadaragdagan ang sama ng kaniyang loob. Gaya ng kanta ni Fredie Aguilar na Estudyante Blues:
Paggising sa umaga,
Sermon ang almusal
bago pumasok sa eskuwela
Kapag nangangatwiran
ako’y pagagalitan
Di ko alam ang gagawin
“Alam mo anak, ang mga magulang natin, naririyan upang gabayan tayo. May mga bagay sila na nakikita nating mali kaya ka nila pinagsasabihan. Lahat ng mga payo, sermon, gawin mong inspirasyon upang maging isang mabuting anak para sa iyong magulang. Pasasaan ba at ipagmamalaki ka rin nila, hindi man ngayon pero pagdating ng panahon. Nagtatrabaho sila, para kanino? Para sa ‘yo. Kaligayahan nila na makita kang matagumpay,” saad ng kaniyang guro.
Marami pa silang napag-usapan nang araw na iyon. Tootooot...toootooot...tootooot... tunog ng kaniyang cellphone. Si Fred ang tumatawag. Hindi niya sinagot ang tawag nito bagkus ay dumiretso siya sa kanilang bahay. Inalala ang mga payo sa kaniya ng kaniyang guro. Isang payo ang tumagos sa kaniyang puso.
Sa bahay, nakita niya ang larawan nilang pamilya na naka-display sa pader ng salas. Kinuha niya ito at ipinangakong mula sa araw na iyon ay sisikapin niyang magbago para sa kanila at sa sarili.
Pagkalipas ng ilang taon.
“Mario L. Santos, Cum Laude.” Ang tinig na nangibabaw sa gymnasium ng paaralan. Kasabay nito ang abot-taingang ngiti na namutawi sa labi niya. Mababakas sa mukha ng kaniyang mga magulang ang kasiyahang nadarama. Sa wakas, ang sakripisyo ng kaniyang mga magulang ay masusuklian na katulad ng payo sa kaniya ng dating guro. Sa pag-akyat niya ng entablado upang tanggapin ang kaniyang karangalan, natanaw niya sa bandang hulihan ng gymnasium ang mukha ng taong dahilan kung bakit siya naroroon sa kinatatayuan niya ngayon. Inihalintulad niya ang kaniyang sarili sa isang lapis. Siya ang nagsusulat ng sarili niyang kapalaran. Katulad ng isang lapis na tuloy-tuloy sa pagsulat, bubuo rin siya ng sariling komposisyon. Sa pagsusulat ng kaniyang kapalaran, madalas siya ay nagkakamali subalit ang gaya ni Bb. Aguirre ay isang pambura na handang itama ang anomang pagkakamali niya. Hindi man niya ito tunay na magulang ngunit pinakinggan niya ito at nirespeto. Pinakita niya rito ang medalya at sertipiko kasabay ng pagsambit na “Ma’am, salamat.”
No comments:
Note: Only a member of this blog may post a comment.