Captain Barbel
Ni April Joyce A. Bagaybagayan
Mistulang ibong lumilipad sa kalangitan
Na para bang nais libutin ang buong sanlibutan
Upang mga nangangailangan ay matulungan,
Handang sumaklolo kahit ang kapalit ma’y kamatayan.
Mayroon akong kilala, tila si Captain Barbel sa kagitingan
Oo, wala siyang taglay na kapangyarihan
Ngunit kayang ipagtanggol ang sambayanan
Buhay kaniyang inilaan, makamit lamang ang kalayaan.
Pluma at papel ang sandata sa labanan
Sa kamay ng mga dayuhang nanakop sa bayan
Kahanga-hangang tunay taglay na kabayanihan
Mga ambag niya’y nakatatak sa ating puso’t isipan.
Wala mang kapa ang kaniyang kasuotan,
Di man Captain Barbel, isigaw niyang pangalan.
Buong tapang na nakipaglaban, gamit ay ‘di dahas kundi karunungan,
Para sa lahing kayumanggi at minamahal niyang bayan.
No comments:
Note: Only a member of this blog may post a comment.