Noli Me Tangere: Mahahalagang Pangyayari sa Buhay ni Elias


Bago ka dumako sa paksang aralin ay iyo munang basahin ang matatalinghagang salita at kahulugan nito na magpapalawak ng iyong isipan.


#LawakUnawa (Lawakan ang Pag-unawa)

Paglinang sa Talasalitaan

1. punglo – bala

2. palwa – bangka

3. kayo – tela na nakalagay sa ulo

4. sugo – taong ipinadala upang magbigay ng mensahe

5. directorcillo – taong tagapamahala o tagapangasiwa

6. bayoneta – kutsilyong nakakabit sa dulo ng mahahabang baril

7. kuwadrilyo – naatasang mangalaga ng katahimikan sa isang lugar

8. balaraw – ito ay matulis na patalim o bagay na magkabilaan ang talim

9. sawimpalad – hindi naging maganda ang buhay o nakaranas ng pagkatalo at kasawian nang paulit-ulit.

10. insurektos – taong nakikibahagi sa isang armadong paghihimagsik laban sa mga awtoridad.


Narito ang ilang piling kabanata sa nobelang Noli Me Tangere at mahahalagang impormasyon tungkol sa aralin. Ipabasa ito sa isang miyembro ng pamilya o sa isang kakilala. Pakinggan mong mabuti ang bawat kabanata upang maisagawa ang mga inihanda kong gawain tungkol dito. Handa ka na ba? Halika at simulan mo na.


Kabanata 45: Ang mga Nagrerebelde


Nagpunta sa kagubatan si Elias at hinanap si Kapitan Pablo. Siya ay sinamahan ng isang lalaki sa yungib na tila nasa ilalim ng lupa. Nang makita ni Elias ang matandang Pablo natatalian ang ulo nito ng isang bigkis na kayo na may bahid ng dugo. Kaya’t agad na nagkakilala silang dalawa. May anim na buwan na nang huli silang magkita. Noon, ayon kay matandang Pablo siya ang naaawa kay Elias. Subalit, ngayon nagkapalit sila ng puwesto. Si Elias ay malakas samantalang ang matanda ay sugatan at lugami sa hirap ng katawan at kalooban. May labinlimang araw na nang naibalita kay Elias ang sinapit ni Kapitan Pablo. Katunayan, pinaghahanap siya nito sa kabundukan ng dalawang lalawigan. At ngayon nga ay kaniyang natagpuan.


Ipinaliwanag ni Elias sa kapitan na nais niya itong isama sa lupain ng mga ‘di-binyagan upang doon na manirahan nang payapa kahit na malayo sa sibilisasyon, yaman din lamang daw walang nangyari sa kaniyang paghahanap sa angkang nagpahamak sa kaniyang pamilya. Binigyang diin ni Elias na magturingan na lamang silang dalawa bilang mag-ama yayamang pareho na silang nag-iisa sa buhay. Umiiling lamang ang matanda sa kahilingan ni Elias at sinabing wala siyang dahilan para magpanibagong buhay sa ibang lupain. Kailangan niyang maipaghiganti ang kalupitang sinapit o pagkamatay ng kaniyang dalawang anak na lalaki at isang babae sa kamay ng mga buhong. Noon aniya, siya ay isang duwag ngunit, dugo at kamatayan ang isinisigaw ng kaniyang budhi dahil sa kaapihang kaniyang natamo. Karumal-dumal ang sinapit ng kaniyang mga anak kaya ganito na lamang ang kaniyang pagpupuyos.


Ang kaniyang anak na dalaga ay pinagsamantalahan at inilugso ang kapurihan ng isang alagad ng simbahan. Dahil dito, nagsiyasat ang dalawa niyang anak na lalaki. Pero, nagkaroon ng nakawan sa kumbento at ang isa niyang anak ay sinuplong. Ang anak niyang ito ay ibinitin sa kaniyang buhok at narinig niya ang sigaw, daing at pagtawag sa kaniya, pero siya ay nasanay sa buhay na tahimik ay naging duwag at hindi nagkaroon ng lakas ng loob na pumatay o magpakamatay. Ang paratang na pagnanakaw sa kaniyang anak ay di napatunayan, isa lamang malaking kasinungalingan. Ang kurang nagparatang ay inilipat sa ibang lugar. Pero ang kaniyang anak ay namatay sa sobrang pahirap na dinanas.


Ang isa naman niyang anak ay hindi duwag at pinangambahan na siya ay maghihiganti dahil sa sinapit ng dalawang kapatid. Ito ay hinuli ng mga awtoridad dahil nakalimutan lamang niyang magdala ng sedula. Ito ay pinahirapan din hanggang sa magpatiwakal na lamang. Ngayon, wala ng nalalabi sa kaniya kundi bababa ng bayan upang maghimasik at makapaghiganti. Hindi naman siya nag-iisa, marami siyang kaanib na kapuwa rin pinag-uusig ng awtoridad. Ang mga ito ang bumubuo sa kaniyang pangkat na pinamumunuan. At sila ay naghihintay lamang ng tamang tiyempo at araw upang lumusob.


Naunawaan ni Elias ang paninindigan ni Kapitan Pablo, siya man daw ay tulad nito na sa pangambang makasugat nang walang kinalaman, kinalimutan niya ang paghihiganti. Pero, para sa kapitan, ang paglimot ay lubhang napakahirap. Kaya ang ganang kay Elias ay napakadali sapagkat siya ay bata pa, hindi namatayan ng mga anak at hindi nawawalan ng pag-asa. Nangako ang matanda na hindi rin siya susugat sa sinomang walang kasalanan tulad ng ginawa nitong pagkakasakit na naging sanhi ng kaniyang pagkakasugat at huwag lamang ang isang kuwadrilyong tumutupad lang naman ng kaniyang tungkulin.


Ipinahayag ni Elias kay matandang Pablo na siya ay nagkapalad na makilala at makatulong sa isang binatang mayaman, matapat, may pinag-aralan at nag-iisang anak ng isang taong marangal na hinamak din ng isang pari, maraming kaibigan sa Madrid kabilang na ang kapitan-heneral. Bilang pagbibigay-diin, tiniyak ni Elias sa matanda na makatutulong daw ang binatang ito sa kanilang pagnanais na maipaabot sa kapitan-heneral ang mga hinaing ng bayan. Tumango ang matanda. Dahil dito, ipinangako ni Elias na malalaman ni Kapitan Pablo ang magiging resulta ng kaniyang lakad o pakikipag-usap sa binata (si Ibarra) sa loob ng apat na araw. Isa sa mga tauhan ng kapitan ang katatagpuin niya sa may baybayin ng San Diego at sasabihin niya ang sagot. Kapag pumayag ang binata, may maaasahan at makapagtatamo sila ng katarungan at kung hindi naman, si Elias ang unang kasama niyang maghahandog ng buhay.


Kabanata 49: Tinig ng Pinag-uusig


Nang lumulan si Ibarra sa bangka ni Elias, waring ito ay hindi nasisiyahan. Kaya, kaagad na humingi ng paumanhin si Elias sa pagkagambala niya sa binata. Sinabi ni Ibarra ang dahilan, nakasalubong niya ang alperes at gusto nitong muli na magkausap. Dahil nag-aalala siyang makita si Elias, nagdahilan na lamang siya. Nanghinayang naman ang binata nang sabihin ni Elias na ‘di siya matatandaan ng alperes. Saglit na napabuntong hininga si Ibarra sapagkat biglang pumasok sa kaniyang isip ang kaniyang pangako kay Maria Clara.


Hindi na nag-aksaya ng panahon si Elias sinabi niya kaagad kay Ibarra na siya ang sugo ng mga sawimpalad. Ipinaliwanag niya ang napagkasunduan ng puno ng mga tulisan (si Kapitan Pablo) na hindi na binanggit pa ang mga pag-aalinlangan at pagbabala. Ang kahilingan ng mga sawimpalad, ani Elias ay (1) humingi sila ng makaamang pagtangkilik sa gobyerno na katulad ng mga ganap na pagbabago sa mga kawal na sandatahan, sa mga prayle, sa paglalapat ng katarungan at sa iba pang pangangasiwa ng gobyerno (2) pagkakaloob ng kaunting karangalan sa pagkatao ng mga tao, ang kanilang kapanatagan at bawasan ang lakas at kapangyarihang taglay ng mga sibil na madalas na nagiging puno’t dulo ng paglapastangan sa karapatang pantao.


Tumugon si Ibarra na anomang pagbabago na sa halip na makabubuti ay lalo pang makakasama. Sinabi nitong maaari niyang pakilusin ang kaniyang mga kaibigan sa Madrid sa pamamagitan ng salapi at pati na ang kapitan-heneral ay kaniyang mapapakiusapan, ngunit lahat sila ay walang magagawa. Siya man ay hindi gagawa ng anomang pagkilos ukol sa mga bagay na iyon sapagkat kung may kasiraan man ang korporasyon, ito ay matatawag naman nilang masamang kailangan.


Nagtaka si Elias, hindi niya sukat akalaing ang isang tulad ni Ibarra ay naniniwala sa tinatawag na masamang kailangan na para bang nais palabasin nito na kailangang gumawa muna ng masama upang makapagdulot ng mabuti. Naniniwala siya na kapag ang sakit ay malala, kailangang gamutin ng isang mahapding panlunas. Ang sakit ng bayan ay malubha kaya’t kailangan ang kaparaanang marahas kung ito ay makabubuti. Ang isang mabuting manggagamot, aniya ay sinusuri ang pinagmulan ng sakit at hindi ang mga palatandaan nito na sinisikap na bigyan ng lunas. Katulad ng mga sibil na sa pagnanais daw na masugpo ang kasamaan, ito’y iniinis sa pananakot, paggawa ng marahas at walang habas na paggamit ng lakas. At kapag pinahina ang guwardiya sibil ay malalagay naman sa panganib ang katahimikan ng bayan. Paano raw magkakagayon samantalang labinlimang taon nang may mga sibil, ngunit ang mga tulisan ay patuloy pa rin sa pandarambong. Ang mga sibil ay walang naidudulot na kabutihan sa bayan sapagkat kanilang pinipigil at pinahihirapan ang isang tao kahit na marangal dahil lamang sa nakalimutan ang cedula personal, at kapag kailangang malinis ang kanilang mga kuwartel, ay manghuhuli sila ng mga kaawa-awang mamamayan na walang lakas na tumutol.


Napag-usapan pa nila na bago itatag ang guwardiya sibil nanunulisan ang mga tao dahil sa matinding pagkagutom. Binigyang diin naman ni Elias na ang mga sawimpalad ay humihingi ng pagbabago sa bayan ukol sa mga palakad ng mga prayle at ng isang pagtangkilik laban sa korporasyon. Pero, sinabi naman ni Ibarra na may utang na loob na dapat tanawin ng bayan sa mga paring pinagkakautangan ng pananalig at patangkilik noon laban sa mga pandarahas ng mga maykapangyarihan.


Lumitaw sa pagpapalitan ng kuro-kuro ng dalawa na kapuwa nila mahal ang bayan. Pero, hindi napahinuhod ni Elias si Ibarra tungkol sa pakiusap ng mga sawimpalad. Kaya, ipinahayag niya kay Ibarra na sasabihin na lamang daw niya sa mga ito na ilipat na sa Diyos o sa kanilang mga bisig ang pagtitiwala, na sa kapuwa tao ay di magtatamong pala.


Kabanata 54: Ang Lihim na Nabunyag


Orasyon. Pahangos na patungo ang kura sa bahay ng alperes. Ang mga taong gustong humalik sa kaniyang kamay ay hindi niya pinapansin. Tuloy-tuloy na pumanhik ito ng bahay at malakas na tinawag ang alperes. Lumabas agad ang alperes kasunod ang asawang si Donya Consolacion. Bago makapagsalita ang kura, inireklamo agad ng alperes ang mga kambing ng kura na naninira sa kaniyang bakod. Sinabi naman ng pari na nanganganib ang buhay ng lahat. Katunayan, aniya ay mayroong napipintong pag-aalsa na gagawin nang gabing iyon. Nalaman ito ng pari, aniya sa pamamagitan ng isang babae na nangumpisal sa kaniya at nagsabi na sasalakayin ang kuwartel at kumbento. Dahil dito, nagkasundo ang kura at alperes na paghandaan nila ang gagawing paglusob ng mga insurektos. Humingi ang kura ng apat na sibil na nakapaisana ang itatalaga sa kumbento. Sa kuwartel naman ay palihim ang pagkilos ng mga kawal upang mahuli nang buhay ang mga lulusob. Layunin nito na kanilang mapakanta ang sinomang mahuhuling buhay. Ikawalo ng gabi ang nakatakdang paglusob, kaya nakini-kinita ng alperes at kura ang pag-ulan ng krus at bituin sapagkat ganap silang nakahanda.


Tinulungan ni Elias si Ibarra sa pagpili ng mga kasulatan. Sa mga kasulatan, nabasa niya ang tungkol kay Don Pedro Eibarramendia at tinanong niya kay Ibarra kung ano ang relasyon nito sa kaniya. Halos nayanig ang buong pagkatao ni Elias nang sabihin ni Ibarra na iyon ang kaniyang nuno na pinaikli lamang ang apelyido. Isa pa, ito ay isang baskongado. Natagpuan na ng piloto ang lahing lumikha ng matinding kasawian sa kanilang buhay. Biglang bumunot ng balaraw si Elias at naisip niyang gamitin iyon kay Ibarra. Ngunit, saglit lang ang pagkadimlan ng kaisipan nang bigla siyang matauhan. Binitiwan niya ang hawak na balaraw at tulirong tumingin nang tuwid kay Ibarra at saka mabilis na pumanaog ng bahay. Nagtaka si Ibarra. Itinuloy ang pagsunog sa mahahalagang papeles at dokumento.


Sa kabilang dako, isa namang lalaki ang mabilis na tumatakbo sa daan patungo sa tirahan ni Ibarra. Mabilis na umakyat ng bahay at hinanap sa nakitang utusan ang amo nito na kaagad naman itinuro na ito ay nasa laboratoryo. Pagkakita ni Elias kay Ibarra ipinagtapat niya kaagad ang nakatakdang paglusob at batay sa kaniyang natuklasan. Si Ibarra ang kapural at nagbayad sa mga kalahok sa paglusob. Ipinasunog ni Elias kay Ibarra ang lahat ng mga aklat at kasulatan nito sapagkat ‘di na maiiwasan na siya ay mapasangkot at tiyak na siya ang isisigaw ng sinomang mahuhuli ng mga sibil.


Kabanata 55: Ang Pagkapahamak


Oras ng hapunan pero nagdahilan si Maria Clara na wala siyang ganang kumain. Kaya niyaya niya ang kaibigang si Sinang sa piyano. Nagbulungan silang dalawa habang palakad-lakad si Padre Salvi sa loob ng bulwagan. Hindi mapakali si Maria sa paghihintay nilang magkaibigan sa pagdating ni Ibarra. Kasalukuyan kumakain noon ang argos na si Linares at isinadasal nilang umalis na ang multong si Padre Salvi. Nakatakdang dumating sa ikawalo ng gabi si Ibarra. Ikawalo rin ng gabi ang nakatakdang paglusob sa kumbento at sa kuwartel. Nang sumapit ang ikawalo, napaupo sa isang sulok ang pari samantalang ang magkaibigan ay hindi malaman ang gagawin. Nang tumugtog ang kampana, silang lahat ay tumindig upang magdasal. Siya namang pagpasok ni Ibarra na luksang-luksa ang suot. Tinangkang lapitan ni Maria Clara ang kasintahan ngunit biglang umalingawngaw na lamang ang sunod-sunod na putok. Napapatda si Ibara, hindi makapagsalita. Ang kura naman ay nagtago sa likod ng haligi. Ang mga tao sa bahay ni Kapitan Tiyago ay nakakarinig ng puro putukan, sigawan at panakbuhan sa may kumbento. Ang mga nagsisikain sa kumedor ay biglang pumasok at panay na tulisan... tulisan...! Si Tiya Isabel ay panay ang dasal samantalang ang magkaibigan ay nagyakapan. Si Ibarra ay walang tinag sa kinatatayuan. Nagpatuloy ang putukan at silbatuhan kasabay ng pagsasara ng mga pintuan at bintana nang biglaan.


Nang mawala ang putukan, pinapanaog ng alperes ang kura. Inakala ng mga nasa bahay na nasugatan nang malubha si Padre Salvi. Tiniyak ng alperes na wala nang panganib kaya lumabas na sa pinagtataguan ang kura, nanaog ito. Si Ibara ay nanaog din. Pinasok naman ni Tiya Isabel ang magkaibigan sa silid. Hindi nagkausap si Ibarra at Maria Clara, basta nagpatuloy na lamang sa paglakad ang binata, mabilis. Napadaan siya sa hanay ng mga sibil na nakabayoneta pa. Sa may bandang tribunal, nangingibabaw ang tinig ng alperes sa pagtatagubilin sa kapitan na huwag niyang pabayaan makatakas ang mga nahuling lumusob.


Pagdating ni Ibarra sa bahay, kaagad na inutusan ng binata ang kaniyang katulong na ihanda ang kabayo. Tumuloy siya sa gabinete at isinilid niya sa kaniyang maleta ang mga hiyas, salapi, ilang mga kasulatan at larawan ni Maria. Nagsukbit siya ng isang balaraw at dalawang rebolber. Ngunit aalis na lamang siya, nakarinig siya ng malakas na pagputok sa pintuan. Tinig ng isang kawal na kastila. Lalaban sana siya ngunit nagbago ang kaniyang isip. Binitawan niya ang kaniyang baril at binuksan ang pinto. Dinakip siya ng sarhento at ng mga dumating na kawal. Isinama.


Sa kabilang dako, gulong-gulo ang isip ni Elias nang pumasok siya sa bahay ni Ibarra. Para siyang sinusurot sa sariling budhi. Naalala niya ang sinapit ng kaniyang angkan, ang kaniyang nuno, si Balat, kapatid na babae at ang kaniyang ama. Waring ang lahat ay tinatawag siyang duwag, isang duwag. Labis na panggigipuspos ang kaniyang naging damdamin. Hanggang sa maisip niyang balikan ang bahay ni Ibarra. Dinatnan niya ang mga katulong ni Ibarra na hilong naghihintay sa kanilang amo. Nang malaman niya ang nangyari kay Ibarra, nagkunwari itong umalis. Pero lumigid lamang saka umakyat sa bintana na patungo sa gabinete. Nakita niya ang mga kasulatan, mga aklat, alahas at baril. Dinampot niya ang baril at ang iba naman ay isinilid niya sa sako at inihulog sa bintana. Nakita niyang dumating ang mga sibil. Kinuha ni Elias ang larawan ni Maria at isinilid ito sa isang supot. Nag-ipon siya ng mga damit at papel. Binuhusan niya ito ng gaas at saka sinilaban.


Ang mga kawal ay nagpupumilit namang pumasok. Sinabihan sila ng matandang katulong ng walang pahintulot sa may-ari, kaya hindi maaari silang pumasok. Naalaska ng husto ang directorcillo, sa isang hudyat niya tinabig ng kawal ang matanda at mabilis silang pumanik. Pero sinalubong sila ng makapal na usok at ang apoy na nakarating na sa gabinete. Biglang nagkaroon ng malalakas na pagsabog. Mabilis pa sa lintik na umatras at nanaog ng bahay ang mga kawal kasama ang mga katulong ni Ibarra.


Kabanata 61: Habulan sa Lawa


Habang mabilis na sumasagwan si Elias, sinabi niya kay Ibarra na itatago siya sa bahay ng isang kaibigan sa Mandaluyong. Ang salapi ni Ibarra na itinago niya sa may puno ng balete sa libingan ng ninuno nito ay kaniyang ibabalik upang may magamit si Ibarra sa pagpunta nito sa ibang bansa. Nasa ibang lupain daw ang katiwasayan ni Ibarra at hindi nababagay na manirahan sa Pilipinas, dahil ang buhay niya ay hindi inilaan sa kahirapan. Inalok ni Ibarra na magsama na lang sila ni Elias, tutal pareho na sila ng kapalaran at magturingan na parang magkapatid. Pero, tumanggi si Elias.


Nang mapadaan sila sa tapat ng palasyo, napansin nilang nagkakagulo ang mga bantay. Pinadapang mabuti ni Elias si Ibarra at tinakpan ng maraming damo. Nang mapadaan sila sa tapat ng polvorista, sila’y pinatigil at tinanong ng bantay si Elias kung saan ito nanggaling. Ipinaliwanag ni Elias na siya’y galing ng Maynila at rarasyunan niya ng damo ang hukom at ang kura. Kumbinsido ang bantay sa paliwanag ni Elias kaya ipinatuloy niya ito sa pagsasagwan at pinagbilinan na huwag magpapasakay sa bangka sapagkat katatakas pa lamang ng isang bilanggo. Kung mahuhuli raw ito ni Elias, siya ay bibigyan ng gantimpala. Inilarawan ng bantay ang bilanggong tinutukoy ay nakalebita at mahusay magsalita ng Kastila. Nagpatuloy sa pagsasagwan si Elias. Lumihis sila ng landas. Pumasok sila sa may ilog-Beatang inawit ni Balagtas upang akalaing siya ay taga-Peñafrancia.


Itinapon ni Elias ang mga damo sa pampang, kinuha ang isang mahabang kawayan at ilang bayong at sumige sa pagsagwan. Nagkuwentuhan muli sina Elias at Ibarra. Nakalabas na sila sa ilog-Pasig at nakarating sa may Sta. Ana. Napadaan sila sa tapat ng bahay-bakasyunan ng mga heswitas kaya hindi maiwasang manariwa sa isip ni Elias ang masasayang araw na tinamasa niya, may magulang, kapatid at magandang kinabukasan. Namuhay nang masagana at mapayapa. Sumapit sila sa malapad na bato at nang makitang inaantok na bantay na wala siyang kasama at mahihingi, pinaraan niya si Elias.


Umaga na nang sapitin nila ang lawa. Pero sa ‘di kalayuan nabanaagan nila ang isang palwa ng mga sibil na papalapit sa kanila. Pinahiga ni Elias si Ibarra at tinakpan niya ito ng bayong. Nahalata ni Elias na hinahadlangan sila sa baybayin. Kaya sumagwan itong patungo sa may Binangonan, ngunit nagbago rin ng direksyon ang palwa. Tinawag sila. Inisip ni Elias na magbalik sa bunganga ng Ilog-Pasig. Nakuro ni Elias na napagsasalikupan sila at walang kalaban-laban. Isa pa, wala silang dala ni isa mang sandata. Mabilis na naghubad ng damit si Elias. Sinabi niya kay Ibarra na magkita na lamang sila sa noche buena sa libingan ng nuno ni Ibarra. Tumayo si Elias at tumalon sabay sikad sa bangka.


Ang atensyon ng mga sibil sa palwa at sa nakasakay sa bangka ay natuon kay Elias. Pinaulanan nila ng punglo ang lugar na pinagtalunan nito. Kapag lumilitaw si Elias pinapuputukan ito. Nang may limampung dipa na lamang ang layo ni Elias sa may pampang, nahapo na ang humahabol sa kaniya sa kasasagwan. Makalipas ang tatlong oras ay umalis na ang mga sibil sapagkat napansin nilang may bahid ng dugo sa tubig ng baybayin ng pampang. 

Noli Me Tangere: Mahahalagang Pangyayari sa Buhay ni Elias Noli Me Tangere: Mahahalagang Pangyayari  sa Buhay ni Elias Reviewed by JKL on 12:27 AM Rating: 5

No comments:

Note: Only a member of this blog may post a comment.

Powered by Blogger.