Nakilala mo sa nakaraang aralin ang mga tauhan sa nobelang Noli Me Tangere at ang mga impormasyon tungkol sa kanila.
Sa bahaging ito makababasa ka ng buod ng mga piling kabanata sa nobelang Noli Me Tangere at aalamin mo kung paano ipinakita sa mga kabanata ang kapangyarihan ng pag-ibig sa magulang, sa kasintahan, sa kapuwa, at sa bayan. Ilalahad mo rin ang iyong damdamin sa tinalakay na mga pangyayaring naganap sa buhay ng tauhan. Maaari mo itong ipabasa sa sinomang kasama sa bahay o makatutulong sa iyo, o kaya’y panoorin sa YouTube gamit ang link na ito: https://youtu.be/HyTacKRZ9S4.
Bago mo simulang basahin ang buod ng mga piling kabanata ng Noli Me Tangere, narito ang pagpapakahulugan sa ilang mga salita na matatagpuan sa akda para sa iyong lubos na pag-unawa.
Paglinang sa Talasalitaan
1. asotea – balkonahe
2. baklad – palaisdaan
3. beateryo – kumbento
4. hatid-kawad – sulat o telegrama
5. kabuktutan – kasamaan
6. kalupi – pitaka
7. karuwagan – kahinaan
8. nakaluklok – nakaupo
9. namandaw – nangisda
10. nitso – libingan
11. pagpapasaring – pagpaparinig
12. pilosopo – matalino
13. pinipintuho – nililigawan
14. punyal – patalim
15. sepulturero – tagapaglibing
16. heroglipiko – pagsulat na ang ginagamit ay mga simbolo
Kabanata 7: Suyuan sa Asotea
Maagang-maaga pa ay nagsimba na sina Maria Clara at Tiya Isabel. Pagkatapos ng misa, nagyayang umuwi si Maria Clara. Pagkaagahan ay nanahi ang dalaga upang hindi mainip sa paghihintay. Si Tiya Isabel ay abala sa pagwawalis ng mga kalat nang sinundang gabi. Si Kapitan Tiyago naman ay abala sa pagbubuklat ng mga itinatagong kasulatan. Labis ang kaba sa dibdib ni Maria Clara sa tuwing may nagdaraang mga sasakyan. Napansin ni Kapitan Tiyago na namumutla siya, kaya ipinayo nitong magbakasyon siya sa Malabon o sa San Diego.
Iminungkahi ni Tiya Isabel na sa San Diego na lamang magbakasyon sapagkat bukod sa malaki ang bahay doon ay malapit na ring ganapin ang pista.Tinagubilinan ni Kapitan Tiyago si Maria Clara na kapag kinuha niyaang kaniyang mga gamit ay magpaalam na siya sa mga kaibigan sapagkat hindi na siya babalik sa beateryo. Nanlamig at biglang nabitawan ni Maria Clara ang kaniyang tinatahi nang may biglang tumigil na sasakyan sa tapat ng kanilang bahay. Nang maulinigan niya ang boses ni Ibarra, agad siyang pumasok sa kaniyang silid. Tinulungan siya ni Tiya Isabel na mag-ayos ng sarili bago harapin si Ibarra.Pumasok na sa bulwagan ang dalawa. Nagtama ang kanilang paningin. Ang pagkakatama ng kanilang paningin ay nagdulot ng kaligayahan sa kanilang mga puso.
Nagtungo ang magkasintahan sa asotea upang iwasan ang alikabok na nililikha nang pagwawalis ni Tiya Isabel. Tinanong ni Maria Clara si Ibarra, kung hindi siya nalimutan nito sa pangingibang bansa dahil sa maraming magagandang dalaga roon. Sinabi ni Ibarra na siya ay hindi nakalilimot. Katunayan aniya, siya ay laging nasa kaniyang isipan. Binigyang-diin ni Ibarra na isinumpa niya sa harap ng bangkay ng kaniyang ina na wala siyang ibang iibigin at paliligayahin kundi si Maria Clara lamang. Si Maria Clara man, aniya, ay hindi nakalilimot kahit na pinayuhan siya ng kaniyang Padre Kompesor na limutin na niya si Ibarra. Binigkas pa ni Maria Clara ang kanilang kamusmusan, ang kanilang paglalaro, pagtatampuhan, muling pagkakasundo, at pagtawa ni Maria Clara nang tawaging mangmang ng kaniyang ina si Ibarra. Dahil dito si Ibarra ay nagtampo kay Maria Clara. Nawala lamang ang kaniyang tampo nang lagyan ni Maria Clara ng dahon ng sambong ang loob ng kaniyang sumbrero upang hindi siya mainitan.
Ang bagay na iyon ay ikinagalak ni Ibarra, kinuha niya sa kaniyang kalupi ang isang papel at ipinakita ang ilang tuyong dahon ng sambong na nangingitim na ngunit mabango pa rin. Inilabas naman ni Maria Clara ang isang liham na ibinigay naman sa kaniya ni Ibarra bago tumulak patungo sa ibang bansa.
Binasa ito ni Maria Clara nang pantay mata upang hindi makita ang kaniyang mukha.Nakasaad sa sulat kung bakit nais ni Don Rafael na papag-aralin si Ibarra sa ibang bansa. Siya aniya ay isang lalaki at kailangan niyang matutuhan ang tungkol sa mga bagay-bagay upang mapaglingkuran niya ang kaniyang bayang sinilangan. Bagama’t, matanda na si Don Rafael at kailangan niya si Ibarra, siya ay handang magtiis na ipaubaya ang pansariling interes alang-alang sa kapakanan ng bayan. Sa bahaging iyon ng sulat ay napatayo si Ibarra.
Namutla siya, napatigil sa pagbabasa si Maria Clara. Tinanong niya ang binata kung napa’no ito. Sinabi ni Ibarra na nalimutan niya ang kaniyang tungkulin dahil kay Maria Clara. Kailangan na pala niyang umuwi dahil bukas ay undas na.Kumuha ng ilang bulaklak si Maria Clara at iniabot iyon kay Ibarra. Pinagbilinan ni Kapitan Tiyago si Ibarra na pakisabi kay Andeng na ayusin nito ang bahay nila sa San Diego sapagkat magbabakasyon doon ang mag-ale. Tumango si Ibarra at umalis. Pumasok sa silid si Maria Clara at umiyak. Sinundan siya ni Kapitan Tiyago at inutusan na magtulos ng dalawang kandila sa mga patron ng manlalakbay na sina San Roque at San Rafael.
Kabanata 13: Mga Unang Banta ng Unos
Dumating si Ibarra sa libingan at hinanap ang puntod ng kaniyang ama na si Don Rafael. Kasama niya ang isang matandang utusan. Sinabi ng matanda kay Ibarra, na si Kapitan Tiyago ang nagpagawa ng nitso ni Don Rafael. Ito ay nilagyan niya ng krus at tinaniman ng mga
bulaklak ng Adelpa at Sampaga. Nakita nina Ibarra at ng matandang utusan ang sepulturero. Sinabi nila ang palatandaan ng libingan ni Don Rafael. Tumango ang tagapaglibing. Pero, nasindak si Ibarra nang ipagtapat ng sepulturero na kaniyang sinunog ang krus at hindi sinasadyang itinapon ang bangkay ng kaniyang ama sa lawa dahil sa utos ni Padre Garrote. Higit umanong mabuti na mapatapon ang bangkay sa lawa kaysa makasama pa ito sa libingan ng mga Intsik.
Parang pinagsukluban ng langit at lupa si Ibarra. Nasindak siya nang husto. Ang matanda naman ay napaiyak sa kaniyang narinig. Parang baliw na nilisan ni Ibarra ang kausap hanggang sa makasalubong niya si Padre Salvi na nakabaston na may puluhang garing. Kaagad na dinaluhong ni Ibarra si Padre Salvi. Bakas sa mukha ni Ibarra ang naglalatang na poot at galit sa dibdib. Nararamdaman iyon ni Padre Salvi. Tinanong ni Ibarra si Padre Salvi kung bakit nagawa nila ang malaking kalapastangan sa kaniyang ama. Sumagot si Padre Salvi na hindi siya ang may kagagawan niyon kundi si Padre Damaso na tinatawag na Padre Garrote.
Kabanata 23: Ang Pangingisda
Madilim-dilim pa’y nagsigayak na ang mga kabinataan, kadalagahan at ilang matatandang babaeng patungo sa dalawang bangkang nakahinto sa dalampasigan. Ang mga kawaksing babae ay mayroong sunong-sunong na mga bakol na kinalalagyan ng mga pagkain at pinggan. Ang mga bangka ay nagagayakan ng mga bulaklak na may iba’t ibang kulay. Mayroon ding mga instrumento gaya ng gitara, alpa, akurdiyon at tambuli. Si Maria Clara ay kaagapay ang matatalik niyang kaibigan na sina Iday, Victoria, Sinang at Neneng. Habang naglalakad, masaya silang nagkukuwentuhan at nagbibiruan. Paminsan-minsan ay binabawalan sila ng matatandang babae sa pangunguna ni Tiya Isabel. Pero, sige pa rin ang kanilang kuwentuhan.
Nagtig-isang bangka ang mga dalaga sapagkat baka lumubog daw ang kanilang sinasakyan. Dahil dito, mabilis na lumipat ang ilang kabinataan sa bangkang sinasakyan ng mga dalagang kanilang pinipintuho. Si Ibarra ay napatabi kay Maria Clara. Si Albino ay kay Victoria. Ang piloto o ang sumasagwan sa bangka para umusad sa tubig ay isang binatang may matikas na anyo, matipuno ang pangangatawan, maitim, mahaba ang buhok at siksik ang laman. Ito ay si Elias.
Habang hinihintay na maluto ang agahan, si Maria Clara ay umawit. Ang lahat ay tahimik na nakinig. Sinabi ni Andeng na nakahanda na ang sabaw para sa isisigang na isda. Ang mga magpipiknik ay nasa may baklad na ni Kapitan Tiyago. Ang magbibinatang anak ng isang mangingisda ang namandaw sa baklad. Ngunit, kaliskis man ng isda ay walang nasalok. Si Leon na katipan ni Iday ay kumuha ng panalok. Isinalok itong muli at laking gulat ng lahat na imbis na mga isda ang nasalok, buwaya ang laman nito. Nabatid nila na ang kawalan ng isda ay dahil sa buwaya. Agad na lumundag si Elias, sigawan ang mga babae sa takot na baka mapahamak ito. Pero, pinayapa sila ng ilang mga kalalakihan sa pagsasabing sanay si Elias na humuli ng buwaya. Ilang saglit lang, nahuli na ni Elias ang buwaya. Pero higit na malakas ang buwaya, nagagapi si Elias. Dahil dito, kumuha ng isang punyal si Ibarra at lumundag din sa lawa. Labis ang takot ni Maria Clara na baka mapahamak ang kasintahan.
Biglang umalimbukay ang pulang tubig. Lumundag pa ang isang anak ng mangingisda na may tangang gulok. Maya- maya’y lumitaw na sina Ibarra at Elias. Nagpasalamat si Elias dahil iniligtas siya ni Ibarra sa tiyak na kapahamakan, utang niya ang kaniyang buhay dito. Natauhan mula sa pagkapatda si Maria Clara nang lumapit sa kaniya si Ibarra. Nagpatuloy ang magkakaibigan sa pangingisda at nakahuli sila nang marami. Nagtungo sila sa gubat na pag-aari ni Ibarra at nananghalian sila sa lilim ng mayabong na punongkahoy na tumutunghay sa batisan.
Kabanata 25 : Sa Bahay ng Pilosopo
Nagtungo si Ibarra sa tahanan ni Pilosopo Tasyo. Nais niyang isangguni ang binabalak na pagtatayo ng paaralan sa kanilang bayan. Nakita niyang abala ang matanda sa isinusulat nito. Napansin ni Ibarra na sumusulat ito sa heroglipiko. Gayonman, si Tasyo na mismo ang huminto sa ginagawa at sinabing ang susunod na henerasyon pa naman daw ang makauunawa at makikinabang sa kaniyang isinusulat.
Binuksan ni Ibarra ang kaniyang plano upang ipakita kay Pilosopo Tasyo. Sinabi ng matalinong matanda na hindi dapat sa kaniya isinasangguni ang mga plano, bagkus sa mga makapangyarihang tao tulad ng mga kaparian sa simbahan. Sumagot si Ibarra na ayaw na umano niyang mabahiran ng kabuktutan ang maganda niyang hangarin. Mauunawaan umano siya ng pamahalaan at ng taumbayan dahil maganda ang kaniyang hangarin. Sinalungat naman siya ni Tasyo at sinabing mas makapangyarihan pa ang simbahan kaysa pamahalaan. Kung nais daw ni Ibarra na magtagumpay sa kaniyang mga plano, marapat daw na padaanin ito sa simbahan na siyang may hawak sa lahat, kabilang ang pamahalaan. Iba naman ang pananaw ni Ibarra. Pagkat galing sa Europa, naniniwala siya sa kapangyarihan ng pagiging liberal. Muli naman siyang sinalungat ng matanda at sinabing hindi angkop sa bansa ang kaisipang mula sa Europa.
Tulad ng isang halaman, kailangan din daw yumuko ni Ibarra sa hangin kapag hitik na ang bunga nito upang manatiling nakatayo nang matatag. Payo pa ng matanda, hindi karuwagan ang pagyuko sa kapangyarihan. Hindi man aminin, ngunit napaisip si Ibarra sa mga tinuran ng matandang Pilosopo. Bago umalis, nag-iwan pa si Tasyo ng salita kay Ibarra na kung hindi man siya magtagumpay sa plano nito, ay may uusbong na sinoman upang magpatuloy ng kaniyang mga nasimulan.
Kabanata 34: Ang Pananghalian
Ang mga kilalang tao sa San Diego ay magkaharap na nanananghalian sa isang malaking hapag. Nakaluklok sa magkabilang dulo ng mesa sina Ibarra at ang alkalde. Nasa bandang kanan ni Ibarra si Maria Clara at nasa kaliwa naman ang eskribano. Sa magkabilang panig naman nakaluklok sina Kapitan Tiyago, mga pari, kawani at mga kaibigang dalaga ni Maria Clara. Abalang kumakain ang lahat nang makatanggap ng hatid-kawad si Kapitan Tiyago at iba pang panauhin. Ayon dito darating ang kapitan-heneral at magiging panauhin ni Kapitan Tiyago sa kaniyang bahay.
Hindi nabanggit sa telegrama, kung ilang araw mananatili ang kapitan-heneral sapagkat ito umano ay mahilig sa mga bagay-bagay na kataka-taka. Kung saan-saan napadako ang usapan ng mga kumakain gaya ng hindi pag-imik ni Padre Salvi, ang hindi pagdating ni Padre Damaso, kawalan ng kaalaman ng mga magbubukid sa kubyertos at kung anong kurso ang ipakukuha nila sa kanilang mga anak.
Patapos na ang tanghalian nang dumating si Padre Damaso. Lahat ay bumati sa kaniya, maliban kay Ibarra. Umiinit na ang usapan noon sapagkat nagsisimula nang ilagay ang mga tsampan sa kopa. Nahalata ng alkalde na panay ang pasaring ni Padre Damaso kay Ibarra. Sinikap ng alkalde na ibahin ang usapan ngunit patuloy pa rin si Padre Damaso sa pagpapasaring. Ipinagsawalang kibo na lamang ito ni Ibarra. Pero, nang ungkatin ni Padre Damaso ang tungkol sa pagkamatay ng kaniyang ama ng may kasamang panlalait, sumulak ang dugo ni Ibarra at hindi na nakapagtimpi. Biglang dinaluhong ng binata si Padre Damaso at akmang sasaksakin ito sa dibdib. Pero, pinigilan siya ni Maria Clara. Gulo ang isip ni Ibarra na umalis at iniwan ang mga kasalo sa pananghalian.
No comments:
Note: Only a member of this blog may post a comment.