Katotohanan sa Likod ng Edukasyon
ni A. Geronaga
Ang taong maparaan, lahat ay mapagtatagumpayan. Habang lumalaki ang isang tao, nakatatak na sa kanyang isipan na Edukasyon ang mag-aahon sa kanya mula sa kahirapan. Sapat na nga ba ang edukasyon para umasenso ang buhay? Sapat na ng aba ito para umunlad ang estado ng bawat Pilipino? Edukasyon ang tulay, pero tao pa rin ang kikilos. Edukasyon ang susi, pero tao pa rin ang magbubukas ng pinto ng tagumpay. Ang edukasyon ay napakahalagang kasangkapan, ngunit hindi ito ang mismong tagumapay.
Ang tao ay nabubulagan, madalas iniisip nila na kapag sila ay nakapagtapos na, okay na. Pero mali sila. Ito pa lamang ang simula na tunay na laban ng buhay. Ang lahat ng aral na kanilang natutunan ay mga stratehiya at pamamaraan, para makasabay sa agos ng buhay. Ang aral na sinulat sa kwaderno, at sinagot sa mga pagsusulit ay tunay na maisasabuhay matapos makuha ang diploma. Mahirap ang mag-aral, pero mas mahirap ang walang nalalaman. Mahirap ang mga pagsusulit at proyekto, pero mas mahirap ang kumakalam ang sikmura. Sa mundong ibabaw hindi sapat ang diploma, dapat buo ang loob, buo ang pagkatao. Kung sa kagubatan, “Survival of the fittest”, sa mundo ng sangkatauhan, “To fit is to survive”.
Sadyang nakatatakot hindi ba? Matapos malaman ang katotohanan, ano ang plano? Hindi pwede na walang plano. Hindi pwede na “Bahala na!” hindi pwede. Bakit? Dahil kapag walang direksyon, walang patutunguhan. Tiyaga at pagsisikap, kailangan yan. Taglay ang kagustuhan at pagkukusa hindi malayong makamtan ang ninanais ng iyong puso.
Kaya naman ang tagumpay ay nasa iyong mga kamay. Ang matalinong paggamit ng Edukasyon ay magandang panimula para maabot ang pangarap na inaasam.
No comments:
Note: Only a member of this blog may post a comment.