Basahin at unawain ang sumusunod na kabanata ng Noli Me Tangere na may kaugnayan sa buhay ni Sisa.
Paglinang sa Talasalitaan
Narito ang ilang malalalim at ‘di pamilyar na salitang ginamit sa mga kabanata. Basahin ang kahulugan upang matulungan kang maunawaan ito.
1. gulantangin – labis na pagkagulat
2. hidhid – sakim
3. idinaiti – idinikit
4. kasiphayuan – pagkabigo
5. kuwartel – kulungan
6. mabundat – labis na pagkabusog
7. madalumat – kakayahan sa pag-iisip nang malalim
8. nagpuyos – nagliyab
9. napatigagal – natahimik, nawalan ng masasabi
10. pagpapalahaw – sigaw, malakas na tawag
11. punglo – bagay na ginagamit para ipantudla ng target sa pagbaril
12. silakbo – biglang siklab
13. tinalunton – sinundan
Kabanata 15: Ang mga Sakristan
Parang plegarya ang tunog ng kampanang binabatak ng magkapatid na sakristan na sina Crispin at Basilio. Sila ang kausap kanina ni Pilosopo Tasyo at sinabihan na sila ay hinihintay ng kanilang inang si Sisa para sa isang hapunang pangkura. Sa hitsura ng magkapatid mapagsisino na sila ay hilahod sa hirap.
Sinabi ni Crispin kay Basilio na kung kasama sila ni Sisa, disin sana, siya ay hindi mapagbibintangang isang magnanakaw. At kung malalaman ni Sisa na siya ay pinapalo, tiyak hindi papayag ang kanilang ina. Ang anyo ng pangamba sa mukha ni Crispin ay nababakas. Idinadalangin na sana ‘wag magkasakit silang lahat. Ang suweldo lang kasi nila ay dalawang piso sa isang buwan. Minultahan pa siya ng tatlong beses. Pero hindi pumayag si Basilio sapagkat walang kakainin ang kanilang ina. Isa pa ang katumbas ng dalawang onsa ay tatlumpu’t dalawang piso at lubhang mabigat ito para kay Basilio.
Ipinakiusap ni Crispin na bayaran na lamang ni Basilio ang ibinibintang sa kaniya. Pero kulang pa ang sasahurin ni Basilio kahit magbayad sila. Dahil dito, nasabi ni Crispin na sana ay ninakaw na lang niya sapagkat maililitaw niya ito. At kung papatayin man siya sa palo ng kura at siya’y mamamatay magkakaroon naman ng mga damit si Sisa at ang kapatid na si Basilio. Nasindak ang huli sa binanggit ng kapatid.
Nag-aalala pa si Basilio na kapag nalaman ng kanilang ina na napagbintangang nagnakaw si Crispin, tiyak na magagalit ito. Pero sinabi ni Crispin na hindi maniniwala ang kanilang ina sapagkat ipakikita niya ang maraming latay na likha ng pagpalo ng kura at ang bulsa niyang butas-butas na walang laman kundi isang kuwalta na aginaldo pa niya noong Pasko na kinuha pa sa kaniya ng hidhid na Kura.
Gulo ang isip ni Crispin dahil mahirap na gusot ang napasukan nilang magkapatid. Magmula nang mapagbintangan siyang nagnakaw, hindi pa siya pinapakain hangga’t hindi niya naisasauli ang dalawang onsa. Maliwanag sa mga pahayag ni Crispin na kaya siya napagbintangang magnanakaw sapagkat ang kanilang ama ay mabisyo, lasenggero at sabungero.
Habang nag-uusap ang magkapatid, ang sakristan mayor ay walang kilatis na nakapanhik sa palapag na kinaroroonan nila. Kaagad na nagpuyos ito sa galit. Sinabi niya kay Basilio na ito ay kaniyang minumultahan dahil sa hindi tamang pagtugtog ng kampana. Agad namang si Crispin ang hinarap at sinabing hindi ito makakauwi hanggang hindi niya inilalabas ang dalawang onsa na ibinibintang sa kaniya. Tinangkang mangatwiran ni Basilio, pero sinansala siya ng sakristan mayor sa pagsasabing kahit na siya ay hindi makauuwi hanggang hindi sumasapit ang eksaktong ika-sampu ng gabi. Gimbal si Basilio sapagkat ika-siyam pa lamang ng gabi ay wala nang puwedeng maglakad sa lansangan kung gabi. Makikiusap pa sana si Basilio, pero biglang sinambilat ng sakristan mayor si Crispin sa bisig at kinaladkad na papanaog sa hagdanan hanggang sa sila ay lamunin ng dilim. Dinig ni Basilio ang pagpapalahaw ng kapatid. Pero wala siyang magawa, naiwan itong parang tulala.
Ang bawat pagsampal ng sakristan mayor kay Crispin ay sinusundan ng masasakit na pagdaing. Nanlaki ang mata at nakuyom ni Basilio ang kaniyang palad sa sinapit ng kapatid. Pumasok sa isip na kung kailan siya maaaring mag-araro sa bukid habang naririnig niya ang paghingi ng saklolo ni Crispin. Mabilis na pumanhik siya sa ikalawang palapag ng kampanaryo. Mabilis na kinalag niya ang lubid na nakatali sa kampana at nagpatihulog na padausdos sa bintana ng kampanaryo. Noon ang langit ay unti-unti nang nagliliwanag sapagkat humihinto na ang ulan.
Kabanata 16: Si Sisa
Kapos-palad si Sisa sapagkat nakapag-asawa siya ng lalaking iresponsable, walang pakialam sa buhay, sugarol at palaboy sa lansangan. Hindi niya inaasikaso ang mga anak, tanging si Sisa lamang ang kumakalinga kina Basilio at Crispin. Dahil sa kapabayaan ng kaniyang asawa, naipagbili ni Sisa ang ilan sa mga natipong hiyas o alahas nito noong siya ay dalaga pa. Sobra ang kaniyang pagkamartir at hina ng loob. Sa madalang na pag-uwi ng kaniyang asawa, nakatitikim pa siya ng sakit ng katawan. Nananakit ang lalaki. Gayonman, para kay Sisa ang lalaki ay ang kaniyang bathala at ang kaniyang mga anak ay anghel.
Nang gabing iyon, abala siya sa pagdating nina Basilio at Crispin. Mayroong tuyong tawilis at namitas ng kamatis sa kanilang bakuran na siyang ihahain niya kay Crispin. Tapang baboy-ramo at isang hita ng patong bundok o dumara na hiningi niya kay Pilosopo Tasyo ang inihain niya kay Basilio. Higit sa lahat, nagsaing siya ng puting bigas na sadyang inani niya sa bukid. Ang ganitong hapunan ay tunay na pangkura, na gaya ng sinabi ni Pilosopo Tasyo kina Basilio at Crispin nang puntahan niya ang mga ito sa Simbahan.
Sa kasamaang palad, hindi natikman ng magkapatid ang inihanda ng ina sapagkat dumating ang kanilang ama. Nilantakang lahat ang mga pagkaing nakalaan sa kanila. Itinanong pa niya kung nasaan ang dalawa niyang anak. Nang mabundat ang asawa ni Sisa, ito ay muling umalis dala ang sasabunging manok at nagbilin pa siya na tirhan siya ng perang sasahurin ng anak.
Windang ang puso ni Sisa. Hindi nito mapigilan na hindi umiyak. Paano na ang kaniyang dalawang anghel? Ngayon lamang siya nagluto, tapos uubusin lamang ng kaniyang walang-pusong asawa.
Luhaang nagsaing siyang muli at inihaw ang nalalabing daing na tuyo sapagkat naalala niyang darating na gutom ang kaniyang mga anak. Hindi na siya mapakali sa paghihintay. Upang maaliw ang sarili, hindi lang iisang beses siya umawit nang mahina. Saglit na itinigil niya ang pag-awit ng kundiman at pinukulan niya ng tingin ang kadilimang bumabalot sa kapaligiran. Nagkaroon siya ng malungkot na pangitain. Kasalukuyan siyang dumadalangin sa Mahal na Birhen, nang gulantangin siya ng malakas na tawag ni Basilio mula sa labas ng bahay.
Kabanata 17: Si Basilio
Napatigagal si Sisa nang dumating si Basiliong sugatan ang ulo. Dumadaloy ang masaganang dugo. Ipinagtapat ni Basilio ang dahilan ng kaniyang pagkakasugat. Siya ay hinabol ng mga guwardiya sibil at pinahihinto sa paglakad. Pero siya ay kumaripas ng takbo sapagkat nangangamba siyang kapag nahuli siya ay parurusahan siya at paglilinisin sa kuwartel. Dahil sa hindi niya paghinto, siya ay binaril. Dinaplisan siya ng punglo sa ulo. Sinabi rin niya sa ina na naiwan niya sa kumbento si Crispin. Nakahinga nang maluwag si Sisa. Ipinakiusap ni Basilio sa ina, na huwag sabihin kanino man ang dahilan ng kaniyang pagkakasugat sa ulo. At sa halip ay sabihin na lamang na nahulog siya sa puno.
Tinanong ni Sisa kung bakit naiwan si Crispin. Sinabi ni Basilio na napagbintangan na nagnakaw ng dalawang onsa si Crispin. Hindi niya sinabi ang parusang natikman ng kapatid sa kamay ng sakristan mayor. Napaluha si Sisa dahil sa awa sa anak. Sinabing ang mga dukhang katulad lamang nila ang nagpapasan ng maraming hirap sa buhay. Hindi nakatikim ng pagkain si Basilio. Kaagad na siniyasat ang ina nang malaman na dumating ang ama. Alam niyang kapag dumarating ang ama tumitikim ng bugbog ang ina nito. Nabanggit ni Basilio na higit na magiging mabuti ang kanilang kalagayan, kung silang tatlo na lamang. Hitsa puwera ang ama. Ito ay ipinagdamdam ni Sisa.
Sa pagtulog ni Basilio siya ay binangungot. Sa panaginip niya, nakita niya ang kapatid na si Crispin ay pinalo ng yantok ng kura at sakristan mayor hanggang sa ito ay panawan ng malay-tao. Dahil sa kaniyang malakas na pag-ungol, siya ay ginising ni Sisa. Tinanong ni Sisa kung ano ang napanaginipan nito. Hindi sinabi ni Basilio ang dahilan at sa halip kaniyang sinabi kung ano ang balak nito sa kanilang pamumuhay. Ang kaniyang balak ay hihinto na silang magkapatid sa pagsasakristan at kinabukasan din, hihilingin niya kay Ibarra na kunin siyang pastol ng kaniyang baka at kalabaw at kung malaki-laki na siya, hihilingin niya kay Ibarra na bigyan siya ng kapirasong lupa na masasaka.
Si Crispin ay mag-aaral kay Pilosopo Tasyo at si Sisa ay titigil na sa paglalamay ng mga tinatahing mga damit. Sa lahat ng sinasabi ni Basilio, si Sisa ay nasisiyahan. Ngunit lihim na napaluha ito sapagkat hindi isinama ng anak sa kaniyang mga balak ang kanilang ama.
Kabanata 21: Kasaysayan ng Isang Ina
Lito ang isip na tumatakbong pauwi si Sisa. Matindi ang bumabagabag sa kaniyang isip, ang katotohanang sinabi sa kaniya ng kawaksi ng kura. Para siyang tatakasan ng sariling bait sa pag-iisip kung paano maililigtas sina Basilio at Crispin sa kamay ng mga sibil. Tumindi ang silakbo ng kaniyang dibdib nang papalapit na siya sa kaniyang bahay ay natanaw na niya ang dalawang sibil na papaalis na. Saglit na nawala ang kaba sa kaniyang dibdib. Hindi kasama ng mga sibil ang isa man sa kaniyang mga anak.
Gayunpaman, sa sumunod na sandali, muling sinakmal ng matinding pangamba si Sisa. Nang makasalubong niya ang dalawang sibil, pilit na tinatanong siya kung saan niya diumano itinago ang dalawang onsang ninakaw ng kaniyang anak. Pilit na pinaamin din siya tungkol sa paratang ng kura. Kahit na magmakaawa si Sisa, hindi rin pinakinggan ang kaniyang pangangatwiran. Hindi siya pinaniwalaan ng mga sibil. At sa halip pakaladkad na isinama siya sa kuwartel.
Muling nagsumamo si Sisa, pero mistulang bingi ang kaniyang mga kausap. Ipinakiusap ni Sisa na payagan siyang mauna ng ilang hakbang sa mga sibil habang sila ay naglalakad patungong kuwartel kapag sila ay nasa kabayanan na.
Pagdating nila sa bayan, tiyempong katatapos pa lamang ng misa. Halos malusaw sa kahihiyan si Sisa. Kaagad na ipinasok siya sa kuwartel. Nagsumiksik siyang parang daga sa isang sulok. Nanlilimahid at iisa ang kaniyang damit. Ang buhok naman ay daig pa ang sinabungkay na dayami. Gusot-gusot ito. Ang kaniyang isip ay parang ibig nang takasan ng Katinuan.
Sa bawat paglipas ng sandali, nadaragdagan ang kasiphayuan ni Sisa. Magtatanghali, nabagbag ang damdamin ng alperes. Iniutos na palayain na si Sisa. Ngunit hinang-hina na siya. May dalawang oras din siyang nakabalandra sa isang sulok.
Painot-inot na naglakad si Sisa hanggang sa muli siyang makarating sa kaniyang bahay. Dagling umakyat siya sa kabahayan. Tinawag ang pangalan ng mga anak. Paulit-ulit, parang sirang plaka. Ngunit hindi niya ito makita, kahit na panhik-panaog ang ginawa niya. Tinungo niya ang gulod at sa may gilid ng bangin. Wala ang kaniyang hinahanap. Patakbo siyang bumalik sa bahay.
Napansin niya ang isang pilas ng damit ni Basilio na may bahid ng dugo. Hawak ang damit, pumanaog siya ng bahay at tiningnan sa sikat ng araw ang pilas ng damit na nababahiran ng dugo. Nilulukob ng matinding nerbiyos ang kaniyang buong katawan. Ano na ang nangyari sa kaniyang mga anak. Hindi madalumat ang nararamdaman niyang kasiphayuan.
Naglakad-lakad siya kasabay ng pasaglit-saglit na pagsigaw nang malakas. Ang banta ng pagkabaliw ay unti-unting lumalamon sa kaniyang buong pagkatao. Kinabukasan, nagpalaboy-laboy sa lansangan si Sisa. Ang malakas na pag-iyak, hagulgol at pagsigaw ay nagsasalitan at kung minsan ay magkasabay na ipinakikita ang kaniyang kaanyuan. Lahat ng mga taong nakakasalubong niya ay nahihintakutan sa kaniya.
Kabanata 63: Noche Buena
May isang kubo na yari sa balu-baluktot na sanga ng kahoy ang nakatayo sa libis ng isang bundok. Sa dampa ay mayroong nakatirang mag- anak na nabubuhay dahil sa pangangaso at pangangahoy. Sa lilim ng isang puno mayroong isang matanda na gumagawa ng walis. Sa isang tabi naman mayroong isang dalaga na naglalagay ng mga itlog ng manok, gulay at dayap sa isang bilao. Sa hindi kalayuan, may isang batang lalaki at batang babae ang naglalaro sa tabi ng isang payat at putlain. Ang batang nakaupo sa nakabuwal na kahoy ay si Basilio, may sugat ito sa paa. Inaaliw siya ng dalawang batang naglalaro. Nang utusan ng matanda ang apong dalaga na ipagbili ang mga nagawang walis, sinabi niya kay Basilio na may dalawang buwan na ang nakararaan nang ito ay kanilang matagpuang sugatan at kalingain pagkatapos. Isinalaysay naman ang tungkol sa buhay nilang mag-anak. Kaya, nang ito ay magpaalam na uuwi na sa kanila, siya ay pinayagan ng matanda at ipinagbaon pa siya ng pindang na usa para sa kaniyang inang si Sisa.
Samantala, Noche Buena na, ngunit ang mga taga-San Diego ay nangangatog sa ginaw bunga ng hanging amihan na nagmumula sa hilaga. Hindi katulad nang nakaraan na masayang-masaya ang mga tao. Ngunit ngayon lungkot na lungkot ang buong bayan. Wala man lamang nakasabit na mga parol sa bintana ng bahay. Kahit na sa tahanan ni Kapitan Basilio ay wala ring kasigla-sigla. Kausap ng kapitan si Don Filipo na napawalang-sala sa mga bintang dito laban dito nang mamataan nila si Sisa na isa nang palaboy. Pero, hindi naman nananakit ng kapuwa.
Nakarating na si Basilio sa kanilang tahanan. Pero, wala ang kaniyang ina. Paika-ika niyang tinalunton ang landas patungo sa tapat ng bahay ng Alperes. Nandoon ang ina, umaawit ng walang katuturan. Inutusan ng babaeng nasa durungawan ang sibil na papanhikin si Sisa. Subalit nang makita ni Sisa ang tanod, kumaripas ito ng takbo. Takot. Hinabol ni Basilio ang ina, pero binato siya ng alilang babaeng nasa daan. Nasapol sa ulo si Basilio pero hindi ito tumigil sa pagsunod sa inang tumatakbo. Nakarating sila sa may gubat. Pumasok sa pinto ng libingan ng matandang Kastila si Sisa. Ito ay nasa tabi ng punong balete. Pilit na binubuksan ito ni Basilio. Nakita niya ang isang sanga ng baleteng nakakapit sa kinaroroonan ng ina. Kaagad niya itong niyakap at pinaghahagkan hanggang sa mawalan ng ulirat.
Nang makita naman ni Sisa ang duguang ulo si Basilio, unti-unting nagbalik ang katinuan ng kaniyang isip. Nakilala rin niya ang anak. Napatili ito nang malakas at biglang napahandusay sa ibabaw ng anak. Nawalan ng malay. Nang magbalik naman ng ulirat si Basilio at nakita ang ina, kumuha ito ng tubig at winisikan sa mukha. Idinaiti niya ang kaniyang tainga sa dibdib ni Sisa. Sinakmal ng matinding pagkasindak si Basilio. Patay na ang kaniyang ina. Buong higpit na niyakap niya ang malamig na bangkay ng ina at napahagulgol nang malakas, pasubsob sa ina. Nang mag-angat siya ng ulo, nakita niya ang isang taong nagmamasid sa kaniya. Tumango si Basilio nang tanungin siya ng tao kung anak siya ng namatay.
Hinang-hina ang lalaking sugatan, hindi niya matutulungan si Basilio na mailibing si Sisa. Sa halip pinagbilinan niya si Basilio na mag-ipon ng maraming tuyong kahoy at ibunton sa bangkay ng kaniyang ina at pagkaraan sila ay silaban hanggang sa maging abo ang kanilang katawan. Itinagubilin din ng lalaki kay Basilio ang malaking kayamanan na nakabaon sa may puno ng balete. Kay Basilio na raw ito kung walang ibang dumating na tao upang gamitin niya sa pag-aaral. Ang lalaking sugatan na kausap ni Basilio na dalawang araw nang hindi kumakain at sa wari ay malapit ng mamatay ay si Elias. At lumakad na si Basilio upang manguha ng panggatong.
Si Elias ay tumanaw naman sa dakong silangan at nagwikang higit pa sa isang dalangin. Siya ay babawian ng buhay nang di nakikita ang pagbubukang-liwayway ng bayang kaniyang minamahal. Sa mga mapalad, huwag lamang daw limutin nang ganap ang mga nasawi sa dilim ng gabi. Sa pagkakatingala niya sa langit, kumibot hanggang sa unti-unting nabuwal sa Lupa.
Nang magmamadaling-araw, namalas ng buong bayan ng San Diego ang isang malaking siga na nagmumula sa may lugar na kinamatayan nina Sisa at Elias. Sinisi pa ni Manang Rufa ang gumawa ng siga na hindi raw marunong mangilin sa araw ng pagsilang ni Hesus.
No comments:
Note: Only a member of this blog may post a comment.