Ang Talinghaga Tungkol sa May-ari ng Ubasan (Mateo 20: 1-16 sa Bagong Tipan)

 

Ang Talinghaga Tungkol sa May-ari ng Ubasan

(Mateo 20: 1-16 sa Bagong Tipan)


Ang kaharian ng langit ay maitutulad sa isang taong lumabas nang maagang-maaga upang humanap ng manggagawa para sa kaniyang ubasan. Nang magkasundo na sila sa upa na isang salaping pilak sa maghapon, ang mga manggagawa ay pinapupunta niya sa kaniyang ubasan. Lumabas siyang muli nang mag-ikasiyam ng umaga at nakakita siya ng iba pang tatayu-tayo lamang sa palengke. Sinabi niya sa kanila, “Pumunta rin kayo at magtrabaho sa aking ubasan, at bibigyan ko kayo ng karampatang upa.” At pumunta nga sila. Lumabas na naman siya nang mag-ikalabindalawa ng tanghali at nang mag-ikatlo ng hapon, at ganoon din ang ginawa niya. Nang mag-ikalima nang hapon, siya’y lumabas muli at nakakita pa ng mga ibang wala ring ginagawa. Sinabi niya sa kanila, “Bakit tatayu-tayo lang kayo rito sa buong maghapon?” Kasi po’y walang magbigay sa amin ng trabaho,” sagot nila. Kaya’t sinabi niya,” Kung gayon, pumunta kayo at magtrabaho kayo sa aking ubasan.”


Nang gumagabi na, sinabi ng may-ari ng ubasan sa kaniyang katiwala,“Tawagin mo na ang mga manggagawa at bayaran mo sila magmula sa huli hanggang sa unang nagtrabaho.” Ang mga nagsimula nang mag-ikalima ng hapon ay tumanggap ng tig-iisang salaping pilak.


Nang lumapit ang mga nauna, inakala nilang tatanggap sila nang higit doon; ngunit ang bawat isa’y binayaran din ng tig-iisang salaping pilak. Nagreklamo ang mga nagtrabaho sa may-ari ng ubasan. Sinabi nila, "Isang oras lamang gumawa ang mga huling dumating, samantalang maghapon kaming nagtrabaho at nagtiis sa nakapapasong init ng araw, bakit naman pinagpare-pareho ninyo ang aming upa?” Sumagot ang may-ari ng ubasan sa isa sa kanila, “Kaibigan, hindi kita dinadaya. Hindi ba’t nagkasundo tayo sa isang salaping pilak? Kunin mo ang para sa iyo at umalis ka na. Ano sa iyo kung ibig kong bayaran ang nahuli nang tulad ng ibinayad ko sa iyo? Wala ba akong karapatang gawin sa ari-arian ko ang aking maibigan. Kayo ba’y naiinggit dahil ako’y nagmagandang-loob sa iba?”


Ayon kay Hesus, “Ang nahuhuli ay nauuna, at ang nauuna ay mahuhuli”.


Ang Talinghaga Tungkol sa May-ari ng Ubasan (Mateo 20: 1-16 sa Bagong Tipan) Ang Talinghaga Tungkol sa May-ari ng Ubasan (Mateo 20: 1-16 sa Bagong Tipan) Reviewed by JKL on 11:13 PM Rating: 5

No comments:

Note: Only a member of this blog may post a comment.

Powered by Blogger.