Ang Alamat ng Face Mask


Ang Alamat ng Face Mask

Ni Raiza Mae A. Alfaro


Sa isang nayon, may magkaibigang walang ibang nais gawin kung hindi ang maglaro mula umaga, at kung hindi pa dumilim ay hindi pa magsisiuwi sa kani-kanilang tahanan. Sila ay sina Face at Mask. Pareho silang mabait at magiliw sa kanilang mga kapitbahay. Ang kanilang mga gawi ay parang sa mga lalaki. Talaga nga namang laman na sila ng kalsada. Hilig nila ang paglalaro. Laging nakatakip ang kanilang mga mukha upang hindi sila makilala ng kanilang magulang sa tuwing hahanapin sila para tapusin ang pagsasagot sa kanilang mga modyul.


Isang araw, sa kanilang paglalaro, ay biglang tinawag si Face ng kaniyang ina.


“Face! Umuwi ka na nga! Hindi pa tapos ‘yung modyul mo. Nakita ko ang dami pang walang sagot! Iyong modyul mo sa matematika, bibilangin mo na nga lang ba naman kung ilan ‘yong kalabaw na nakaguhit doon hindi mo pa magawa!” pasigaw na wika ng kaniyang ina.


Kakamot-kamot sa ulo si Face at tila ba hindi inintindi ang kaniyang inang nagdidiwara.


“Naku po! Hindi ba sinabi ko na sa’yo ang sagot dun, bakit hindi mo isinulat, ano ba isinulat mo?” ang tanong ni Mask.


“Wala, malabo kasi ‘yung drawing eh! Wala naman akong nakitang kalabaw kaya hindi ko sinagutan,” tugon naman ni Face.


Sabay silang tumawa nang malakas at nagpatuloy sa paglalaro. Hindi inintindi ni Face ang sinasabi ng kaniyang ina.


Tanghali nang nagising sina Face at Mask. Paglabas nila ng bahay ay para bang may kapistahan sa dami ng tao. Lahat ay nagkakagulo. Lahat ay kani-kaniyang takip sa ilong. Sa ‘di kalayuan ay may bagong tayong pabrika kung saan ito ay naglalabas ng mabaho at maitim na usok.


“Ang baho!”


“Anong amoy ba iyon?”


“Nakasusulasok!” sabi ng ilang tao. “Masama ang amoy na iyon para sa ating kalusugan, maaari tayong magkasakit dahil diyan. Ang mabuti pa ay huwag na lang muna tayong lumabas. Isarado rin ang lahat ng pinto at bintana upang hindi pumasok ang amoy sa ating mga bahay.”


Hindi inintindi nina Face at Mask ang amoy na nanggagaling sa pabrika. Patuloy pa rin sila sa kanilang paglalaro. Dahil nakatakip nga ang kanilang mga mukha ay ‘di nila alintana ang nakasusulasok na amoy. Masayang-masaya ang dalawa. Walang sagabal sa kanilang paglalaro dahil lahat ng tao ay nagkulong na lang sa kani-kanilang mga tahanan upang hindi malanghap ang nakasusulasok na amoy.


“Sana ganito lagi no? Para pag naghahabulan tayo, walang sasakyan o taong maaari tayong mabangga,” sabi ni Face.


“Oo nga! Sana ay magtagal pa ang amoy na iyon para ‘di sila lumabas ng kanilang mga bahay,” sagot naman ni Mask.


At sabay na nag-apir ang dalawa, sabay tumawa nang malakas.


Madalas na sakit sa ulo ng mga magulang sina Face at Mask dahil sa taglay nilang kakulitan. Walang ibang inatupag kung hindi ang maglaro. Pati ang pag-aaral ay hindi na makuhang seryosohin dahil ang tanging gusto lamang nila ay maglaro nang maglaro. Hindi nila namalayan ang oras. Dumidilim na pala. Nagtanggal sila ng takip sa mukha dahil wala naman na silang pagtataguan pa.


Kanina pa palang umaga ang huling kain nila ng kanin at ngayon nga ay ikapito na ng gabi.


Hindi ininda ng dalawa ang gutom na kanilang nararamdaman. Kaya’t patuloy silang naglaro nang walang humpay hanggang sa sila ay napagod. Natapos na naman ang isang buong araw ng dalawa na puro laro at ‘di alintana ang masangsang na amoy sa paligid, bagkus ay natutuwa pa sila sa nangyayari dahil mas malaya silang gumalaw.


“Mga anak, Face at Mask, anong oras na? Umuwi na kayo baka kayo ay hinahanap ng inyong mga magulang”, ang sabi ng isang matandang babae. Bigla ay napalingon ang dalawang bata sa pinanggalingan ng boses. Tiningnan nila ito at napakunot ang noo nila dahil ngayon lamang nila nakita ang matandang babae kaya naman sinagot nila ito nang pabalang.


“Ang mga magulang nga namin ay hindi kami pinauuwi, ikaw pa kaya?” ang sagot ni Face sa matandang babae.


“Oo nga! Wala kayong pakialam! Gusto pa naming maglaro eh! Kayo ang umuwi na’t matulog. ‘Wag ninyo kaming pakialaman.” ang tugon naman ni Mask.


“Aba! Kayo na nga lang ang aking inaalala, ganyan pa ang inyong isasagot! Wala kayong galang! Simula bukas ay hindi na kayo makakapaglaro. Hindi na kayo makikita pa ng inyong mga magulang.” pagalit na wika ng matanda kina Face at Mask.


Tumawa lamang si Face at si Mask sa sinabi ng matandang babae. Maya-maya’y may lumabas na puting usok at biglang naglaho ang matanda kasabay nang pagkawala rin nina Face at Mask.


Isang umaga, nagtaka ang mga tao kung bakit wala nang batang naglalaro sa paligid. “Face! Anak! Nasaan ka na?” wika ng ina nito. “Nawawala rin si Mask!” sigaw ng kapatid nito. Sunod-sunod na pagtawag ang maririnig ngunit walang Face at Mask ang tumutugon. Nagkagulo na ang buong nayon kung kaya’t nagpasiya na ring lumabas ang mga tao upang tumulong sa paghahanap sa dalawang bata. Sa paglalakad ng isang ale ay may nakita siya sa kalsada na dalawang telang kakulay ng damit na suot nina Face at Mask nang huli silang makita.


“Ano ito?” tanong niya sa sarili. Binaligtad at sinipat-sipat niya kung paano ba iyon gamitin at kung saan ba iyon magagamit. Hanggang sa ginulat siya ng isang kapitbahay at sa ‘di sinasadya ay aksidente niya itong naipantakip sa kaniyang ilong.


“Aba! Iyan pala ang solusyon upang hindi na natin malanghap pa ang nakasusulasok na amoy na iyon, na tila ba hindi maubos-ubos,” wika ni Aling Beka.


Dali-dali silang dinumog ng mga kapitbahay at tiningnan kung ano ang nakita ng dalawang ale. Sinipat din nila kung paano ba gawin iyon upang may pantakip na rin sila sa kanilang mga ilong upang hindi na tuluyang maamoy ang mabahong paligid.


Nang lumaon, tinawag nila itong Face Mask dahil simula noon ay hindi na nila nakita pa ang dalawang batang naglalaro sa lansangan. Hinala nila na ang bagay na nakita ay walang iba kundi ang dalawang batang mahilig maglaro nang nakatakip ang mukha.

Ang Alamat ng Face Mask  Ang Alamat ng Face Mask Reviewed by JKL on 1:49 AM Rating: 5

No comments:

Note: Only a member of this blog may post a comment.

Powered by Blogger.