Panuto: Basahin at unawain mo ang pabula na pinamagatang “Sila Susie, Yohan, Alex at Bert”. Suriin at tuklasin ang mensaheng nais iparating nito.
“Sila Susie, Yohan, Alex at Bert”
Mula sa panulat ni Joyce Ann T. Pajotal
Matagal nang pinangarap ni Susieng Suso ang makahalubilo sa iba pang mga hayop. Bukod kasi sa mabagal at matagal na pag-usad ay mahina rin ang paningin at pandinig nito na siyang kinaayawan ng ibang hayop. Kaya madalas, walang kausap ni kasama man si Susie sa bawat araw na dumarating at lumilipas.
Habang painot-inot na binabagtas ang dalampasigan malapit sa kuweba kung saan sila naninirahan ay hindi niya napansin ang malalim na butas sa kanyang nilalakaran.
Tulong! Tulong! Kung sino man ang nariyan ay tulungan ninyo ako. Sigaw nito.
Maririnig naman sa itaas ang tawanan at halakhakan ng mga alimasag na silang may kagagawan ng pangyayari. Kung ako sayo ay mananatili na lamang ako sa isang sulok o di kaya’y magtatago na lamang ako sa sariling lungga habambuhay! Buong pagmamalaki at pang-iinsultong sigaw ng isa sa mga ito.
Talagang, hindi natatapos ang araw na hindi siya napagkakaisahan ng ibang nilalang, kung hindi pang-aasar at panghahamak ay minsan naman nasasaktan si Susie dahil sa kagagawan ng iba. Kaya, buong lakas at pagsusumikap na inakyat niya ang butas upang makaalis sa kinalalagyan. Mababakas sa kanyang mukha ang kamlayanta at kalungkutan na sinasabayan ng sunod-sunod na paghingal habang inaakyat ang butas bagamat pangkaraniwan na ito para sa kanya ay hindi pa rin maiaalis ang magtanong at kung minsa’y magtanim ng sama ng loob dahil sa paulit-ulit na pangyayari pakiwari niya’y wala na ngang magbabago pa sa pang-araw-araw niyang pamumuhay.
Isang araw, habang tahimik ang buong paligid at tila malalim na nag-iisip si Susie hindi niya alintana na nakarating na pala siya sa isang gubat malayo na mula sa kanyang pinanggalingan. Kilala ang lugar na ito bilang tahanan ng ilang mga hayop at mga halamang nakagagamot. Habang nagmamasid si Susie sa paligid napansin niyang gumagalaw ang halamanan sa di kalayuan. Pinakalma niya ang sarili ngunit naghanda rin upang magkubli sa sarili niyang lungga anumang oras.
Maya-maya pa ay lumundag ang isang Kuneho.
Magandang araw kaibigan! Ang bati nito. Bakit tila mag-isa ka lamang? Hindi ba’t mapanganib para sa iyo ang mag-isa? Ang sunod-sunod na tanong ng magiliwing kuneho. Galing ako sa kabilang dalampasigan at sa aking paglalakad ay hindi ko namalayan na nakarating na pala ako sa lugar na ito. Maya-maya pa ay lumabas din ang isang lobo. Huwag mo nga siyang pakialaman. Ano namang malay natin kung gusto niya lamang mapag-isa at lumayo upang mamatay sa gitna ng gubat na ito. Sabat ng lobo na pawang naiinis sa pangyayari. Kokak! Hindi ba masyado ka naman yatang nag-iinit sa ating bisita? Bakit hindi muna tayo magpahinga sa aking tahanan nang makapag-tsaa at doon natin ituloy ang ating usapan bago pa bumuhos ang ulan.
Napatingin ang tatlo sa kalangitan. Makulimlim nga at madilim na ang buong paligid at tila nagbabadya ang pagbuhos ng malakas na ulan. Sa mga puntong ito, dito nakilala ni Susie ang pangkat nila Yohan isang kuneho, Alex isang palaka at Bert na isang lobo. Ilang sandali lamang ay narating na nila ang lugar kung saan naninirahan si Alex. Tuloy kayo at maupo habang hinahanda ko ang ating inumin. Paanyaya nito.
Sa kabilang banda, habang nagmamasid ang tatlo sa lugar mapapansin ni Yohan ang larawan sa kabilang gilid ng lamesa. O! Sa tagal na nating magkakasama ni hindi mo nabanggit sa amin na may pamilya ka pala Alex, kasama mo ba sila rito? Nasaan sila? Tanong ng kuneho habang inuusisa ang larawan. Aaaah, marahil mas mainam na hindi niyo na usisain pa, halina at inumin na natin ang tsaang ito bago pa lumamig. Hmmm, paniguradong iniwan ka nila sa gitna ng gubat na ito dahil marahil, wala kang magandang naidudulot para sa kanila, ang mapang-asar na dugtong ng lobong si Bert.
Sa pakikinig ni Susie sa usapan ay hindi niya mapigilan ang pagnanais na malaman ang kuwento sa likod ng buhay ni Alex ngayon lamang kasi siya napabilang sa mga ganitong usapan at pangkat ng mga hayop. Kung iyong mamarapatin ay nais ko rin malaman ang buong kuwento. Ang tugon ni Susie.
At nakuha mo pang sumali sa aming usapan Suso! Dugtong ni Bert.
Sige, upang hindi na kayo mag-away pa isasalaysay ko ang ilang pangyayari. Tahimik kami noong namumuhay sa aming lugar kasama ang ibang mga hayop na naninirahan din sa lupa at katubigan subalit isang karanasan ang bumago sa lahat. Dumating ang isang sakit na hindi maipaliwanag kung saan nagmula. Pinahihinto nito ang gamit ng aming mga balat na nagpapadaloy ng tubig sa aming katawan na siyang naging sanhi ng pagkamatay at pagkaubos ng karamihan sa amin kasama na ang aking pamilya. Parang bumalik kay Alex ang lahat ng sakit, pighati at pangungulila na dulot ng pangyayari. Subalit, mapalad na lamang siguro ako dahil wala ako sa aming lugar noong nangyari ang sakuna. Naghahanap kasi ako ng ilang halaman sa gubat na ito na ipanggagamot ko sana noon sa aking sugat. Kaya mula noon, pinili kong manatili sa lugar na ito. At, Heto! Narito ako ngayon kasama kayo at umiinom ng mainit na tsaa. Ang magiliw na sabi ni Alex upang pawiin ang lungkot sa paligid.
Namangha si Susie sa narinig na salaysay. Ilang sandal pa ay binalingan naman ni Alex si Yohan. Ikaw, hanggang ngayon nga ay hindi mo pa naibabahagi sa amin ang nangyari sa iyong mga kamay. Kay ganda pa naman ng iyong mga balahibo ngunit bakit tila halos napudpud na ang iyong mga daliri?
Aaah! Ito? Sadyang masipag lamang ako. Pagmamalaki ng kuneho. Masipag? Madalas nga ay nakikita kitang nakatitig lamang sa buwan habang pinapalipas ang oras. Hindi ko nga alam kung ano ang mayroon doon at mukhang manghang-mangha ka. Ang sabi ni Bert. Talagang, kaakit-akit ang buwan! Ito ang humahabi at nagpapaalala sa akin kung gaano ako kamahal ng aking pamilya. Alam niyo ba? Tunay na masisipag kami! Buong pagmamalaki ni Yohan. Sagana ang aming lugar dahil mahilig kaming magtanim ng mga halaman at magbayo ng pagkain na maihahain namin para sa aming pamilya. Tandang-tanda ko pa kasama ko ang aking ama at ina na pinagmamasdan ang noo’y bilog na bilog na buwan matapos ang buong araw na pagpapagal. Nang bigla na lamang humampas ang malakas na hangin sa aming kinaroroonan. Kinain ng dilim ang liwanag na nagmumula sa buwan at kasabay nito ang pagbagsak ng malalaking tipak ng ulan. Rumagasa rin ang tubig malapit sa aming kinalalagyan. Ibinato sa akin ang isang kahoy upang makaligtas ako sa malakas na pagdaloy ng tubig at tanging sigaw na lamang ng aking mga magulang na pawang humihingi ng tulong ang aking naririnig.
Makikita sa mata ni Yohan ang pangingilid ng kanyang luha, inayos ang sarili saka nagpatuloy sa pagsasalaysay. Masyadong mabilis ang mga pangyayari, paggising ko na lamang ay nandito na ako sa gubat na ito. Ilang araw pa ang lumipas nakarinig ako ng balita na malaki nga ang pinsalang dala ng pangyayari ng gabing iyon ngunit bukod pa roon ay wala na rin akong narinig na balita ukol sa aking mga magulang.
Ikinalulungkot ko ang mga pangyayari Yohan. Ang tugon ni Susie.
Pero, nagpapasalamat ako dahil nakilala ko dito si Alex at kahit na may pagkamasungit iyang si Bert alam kong Mabuti ang kanyang puso. Ano bang pinagsasabi mo riyan? Maari bang itigil niyo na ang ganyang usapan? Masyadong madrama! Magpasalamat na lamang kayo at hindi pinahintulutan ng pagkakataon na makitil ang inyong mga buhay.
Pero teka, bumalik nga tayo kay Susie. Ano naman ang dahilan para mapadpad ka sa ganitong klaseng lugar? Tanong ni Alex. Aaaa, eeeh. Gusto ko lamang talagang mapag-isa, makalanghap ng sariwang hangin at makapag-isip. Hindi ko kasi maunawaan kung bakit karamihan sa mga kilala kong hayop ay inaayawan ako.
Hindi na ko magtataka. Sabat ni Bert.
Tumigil ka nga. Sige, ipagpatuloy mo lamang Susie.
Hindi ko na mabilang ang pagkakataon na ako ay napagkakaisahan. Madalas tampulan ako ng asaran dahil sa aking kabagalan kahit maging kapwa ko suso ay pinangingilagan ako dahil iba ako sa nakasanayan. Takot ako sa tubig lalo na kapag dumarating sa malalim na bahagi. Kung minsan, kapag dumaraan naman sila ay nagkukubli na ako sa aking lungga subalit hindi nila ako tinitigilan dahil pilit nilang kakatukin at uuyugin ang aking lungga hanggang sa mapalabas ako.
Mahina ka. Sinasabi ko na, isa ka lamang pabigat tulad ng nangyari kanina. Hindi tayo maaabutan ng ulan kundi dahil sa kabagalan mo. Sagot ni Bert.
Ikinalulungkot ko ang iyong mga sinapit ngunit hindi ka makaaalis sa ganyang sitwasyon kung hindi mo tutulungan ang iyong sarili. Ang sabi ni Alex.
Ah! Bakit hindi natin siya tulungan habang nandito pa siya. Ako ang tutulong sa kanya para makagawa ng ilang mga bagay tulad ng pagtatanim at pangongolekta ng ilang mga halamang gamot. Ikaw naman Alex dahil sanay at mahusay ka sa tubig tutulungan mo siyang malabanan ang takot niya dito. At ikaw Bert...Huwag ninyo akong isali sa balak ninyo dahil hindi ako interesado. Ang agad na tugon nito. Hayaan mo Susie, gagawin namin ang lahat ng aming makakaya para matulungan ka bago ka bumalik sa inyo.
Namangha si Susie dahil buong akala niya’y malulupit ang mga hayop na naninirahan sa gubat na iyon. At sa unang pagkakataon, may ibang nilalang na hindi tumingin sa kung ano ang kulang sa kanya kundi sa maari nilang magawa para makatulong sa tulad niya na hindi nabigyan ng pagkakataon na maipamalas ang kanyang kakayahan.
Kinabukasan, maaga pa lamang ay isinama na ni Yohan si Susie sa pangangalap ng mga halamang maitatanim at sadyang kapakipakinabang tulad na lamang ng ginseng, Ban-ha, Hanbang, Centella at iba pa. Hindi maipaliwanag ang tuwa at kaaliwan niya buhat sa mga impormasyong naibabahagi ng kuneho. Kinahapunan, sinamahan naman siya ng palakang si Alex na magtungo sa isang lawa. Makikita sa mukha ni Susie ang takot, pag-aalinlangan at pag-aalala. Bumabalik sa kanyang gunita ang mga pangit na karanasan sa gitna ng tubig. Kaibigan, huwag kang mag-alala! Nandito ako para alalayan ka. Halika! At ipakikilala kita sa aking mga kaibigang isda.
Nang makita ni Susie ang mga isda na tila nagsasayawan at nagpapakitang gilas upang ipaabot ang kanilang magiliw na pagbati hindi na pala niya namamalayan na unti-unti na siyang bumababa sa lawa at sumasabay sa pagtampisaw ng mga ito sa saliw ng bawat hampas ng tubig. Naging mapanghamon ang buong maghapon para kay Susie sa tulong nina Yohan at Alex. Nagawa niya ang mga bagay na sa pag-aakala ng lahat ay hindi niya makakayang gawin. Ngunit, isang bagay pa ang gumugulo sa kanyang isip at ito ay patungkol sa lobong si Bert. Masyadong mailap sa kanya ang lobong iyon sa simula pa lamang kaya bago pa lumubog ang araw, nang makita niyang paroon sa dakong iyon si Bert na siyang nakaugalian ng maglakad-lakad sa buong paligid sa ganoong oras ay agad niya itong sinundan. May kabagalan subalit hindi niya hinayaan na mawala sa kanyang paningin ang lobo. Dahil padilim na mas mainam para kay Susie na maipamalas ang kanyang sarili kapag kumagat na ang gabi.
Ilang sandali pa, isang aksyon ang nasaksihan niya nang marinig ang isang putok ng baril na siyang nagpanginig sa lobong si Bert. Nakita ni Susie kung paanong nanigas sa kanyang kinatatayuan ang lobo. Hindi niya agad maigalaw ang kanyang mga binti at mababakas sa kanya ang pagkatakot.Bert! Sigaw ni Susie. Tumakbo ka na! Dito sa dakong ito. Bilisan mo.
Naulinigan niya ang mahinang tinig ni Susie pinilit niyang ihakbang ang kanyang mga binti ngunit bago pa tuluyang maikubli ang sarili laban sa mangangaso ay nadaplisan siya sa pangalawang pagpapaputok nito. Gamit ang mga halaman ay tinulungan ni Susie na maitago si Bert habang sinisipat ng lalaki ang ilang sulok ng paligid. Nang hindi niya ito makita ay nagpasya nang umalis dahil lumalalim na rin ang gabi. Nang makasigurong ligtas na ang paligid ay inalis na niya ang halamang nakatakip kay Bert at tumambad sa kanyang harapan ang sugat na natamo nito. Hindi alam ni Susie kung ano ang gagawin.
Hayaan mo na ako rito. Mas mainam para sayo kung aalis ka na.
Subalit, sugatan ka at mas mainam para sa iyo kung makahahanap tayo agad ng lunas para diyan. Naalala ni Susie ang ilang mga halamang gamot na sinabi sa kanya ng kunehong si Yohan na mabisa sa pagpapagaling ng sugat. Tiningnan niya ang paligid at sa di kalayuan ay natanaw niya ang halamang nabanggit ng Kuneho. Agad niya itong nilapitan at pumitas ng ilang dahon na siyang itinapal sa sugat ng lobo. Kung hindi mo sasamain bakit, hindi ka agad tumakbo ng marinig ang putok ng baril?
Dahil sa pangyayari napilitan na rin si Bert na magsalaysay.
Pinilit ko subalit hindi ko magawang ihakbang ang aking mga binti. Matapos ang pangyayaring umubos sa aking lahi at panggigipit ng mga tulad nila sa mga kagaya ko ay nagsimulang makaramdam ako ng mga ganito. Hindi na inusisa pa ni Susie ang lahat ngunit nabatid niya na ang panyayaring iyon ay nag-iwan ng dagok at sakit sa lobong si Bert. Napagtanto ni Susie na kahit ang mga inaakala niyang malalakas ay may mga pangit na karanasan din na siyang nagdudulot ng pagbabago sa kabuuang pag-uugali nito. Patuloy na tinulungan ni Susie si Bert hanggang sa marating nila ang tahanan ni Alex. Nagulat ang dalawa nang makita ang sinapit ng lobo. Huwag na kayong magtanong at tulungan niyo na lamang ako.
Agad namang tumugon ang dalawa at hinayaang makapagpagpahinga si Bert. Napansin din nila ang pagal na pagal na si Susie agad nilang binigyan ito ng inuming tsaa at pinagpahinga. Habang lumilipas ang gabi naisip ni Susie na sa maikling panahon ng pananatili niya ay nagkaroon ng pagbabago sa hungkag niyang pag-iisip at sarili. Mula sa kanyang mga narinig, nasaksihan at sa kung paano hinarap ng bawat isa ang mapapait na karanasan ay higit niyang napagtanto ang lawak at katuturan ng buhay.
Kinaumagahan, kinakailangan ng bumalik ni Susie sa kanilang lugar dahil siguradong nag-aalala na ang kanyang pamilya. Labis ang pasasalamat nito sa mga bagay na naitulong nila Yohan, Alex at Bert. Mag-iingat ka Susie. At kung kakailanganin mong muli ang tulong naming ay huwag kang mag-atubiling lumapit sa amin. Ang wika ni Yohan.Tama! Bukas ang aking tahanan para sa iyo. Ang sabi ni Alex.
Bago pa tuluyang umalis ay nagwika si Bert. Sss-salamat din Susie. Ang mabilis at matipid na sambit ng lobo. Napatingin ang dalawa at napangiti dahil hindi pangkaraniwan para sa kanila na marinig ang ganoong mga salita mula kay Bert.
O, siya. Magpatuloy ka na upang hindi ka mahirapan sa daan. Ang wika ni Yohan.
Painot-inot at patuloy na umuusad ang mabagal na Suso. Mababakas ang ngiti sa kanyang bibig, ang saya sa kanyang mga mata na bitbit ang panibagong karanasan at pag- asa. Nagpatuloy naman ang tatlo sa kanilang nakasanayang gawain. Bumalik sa dati ang dating ng gubat, tahimik subalit mas pinatingkad ng mga hinabing karanasan at salaysay na minsa’y ikinubli ngunit ngayon ay naihayag na.
No comments:
Note: Only a member of this blog may post a comment.