Shahnameh (Ang Epiko ng Mga Hari)


Shahnameh (Ang Epiko ng Mga Hari)

Ni Hakim Abol Qasem Ferdowsi Tousi

Salin sa Ingles ni Helen Zimmern

Salin sa Filipino ni Daniel Avila De Guzman


Nangyari ito nang araw na iyon nang tumayo si Rostam mula sa pagkakahiga at napuno ang kaniyang isip ng mga pangitain. Inisip niyang lalabas siya upang mangaso. Kaya’t inihanda niya ang kabayong si Rakhsh at ang kaniyang buslo ng mga palaso. Nagtungo sila sa kagubatan malapit sa Turan at malapit din sa direksyon patungo sa lungsod ng Samengan. At nang malapit na siya roon, nagsimula siya ng panghuhuli mula sa pangkat ng mga hayop, matiyagang naghanap hanggang siya ay mapagod sa pangangaso. Pagkaraan, nakahuli siya ng isa at iniluto upang maging pagkain. At nang matapos na niyang makain at mabasag ang buto upang makuha ang laman nito, humiga siya upang matulog at nanginain naman si Rakhsh ng damo sa tabi ni Rostam.


Ngayon, habang natutulog ang bayani, dumaan ang pitong kabalyero ng Turan. Binantayan si Rakhsh at pinagbalakan ito. Inihagis nila ang kanilang mga lubid upang itali ang kabayo. Ngunit nang makita ng kabayo ang mga ito, may galit na nagsisipa si Rakhsh sa lupa at natumba sa kanila gaya nang natumba ito sa leon. Kinagat niya ang ulo ng isa sa mga lalaki at sinipa naman ang isa hanggang sa matalo niya ang lahat, ngunit napakarami nila. Kaya’t nahuli pa rin nila si Rakhsh at dinala sa lungsod habang iniisip, “talagang mahusay na panghuhuli ang aming nagawa.” Nang magising si Rostam mula sa pagkakatulog, nakayuko siya at malungkot na malungkot nang hindi na niya nakita ang kaniyang kabayo. At sinabi niya sa kaniyang sarili, “Paano ako lalaban sa mga Turko at makatatawid sa disyerto ng mag-isa?”


At napuno ng agam-agam ang kaniyang loob. Pagkaraan, naghanap siya ng mga bakas ng kabayo, sinundan niya ang mga ito patungo sa bukana ng lungsod. Sinundan ni Rostam ang mga bakas at nakarating siya sa pamamagitan ng paglalakad. Hinarap siya ng hari at ng mga mamamayan upang salubungin siya at inusisa siya kung paano ito nangyari. Pagkatapos ay ikinuwento niya kung papaano nawala si Rakhsh habang siya ay natutulog at kung paano niya sinundan ang mga bakas patungo sa lungsod na ito. Nanumpa siya nang may kadakilaan at nangako na kapag hindi naibalik ang kaniyang kabayo sa kaniya, marami ang dapat nang tanggalin sa serbisyo. Kaya’t nang makita ng hari ng Samangen sa tabi niya si Rostam na may galit, nagsalita na siya upang mapawi ang galit nito at sinabing wala sa mga tao ang maaring gumawa ng masama sa isang bayani. Pinakiusapan niya itong tumuloy sa kaniyang tahanan at mamalagi kasama niya hanggat isinasagawa pa ang paghahanap. Winika niya, “Siguradong hindi maitatago si Rakhsh.”


Nasiyahan na si Rostam sa mga salitang ito ng hari at naghinala sa kaniyang sarili. Pumasok siya sa tahanan ng hari at nakisaya kasama niya. Ginugol ang mga oras sa pag-inom ng alak. Nagsaya ang hari kasama ang kaniyang panauhin at pinalibutan siya ng malalambing na mga mang-aawit at ng lahat ng pagkilala. Nang sumapit ang gabi, dinala ng hari si Rostam sa higaan na pinabanguhan ng musk at mga rosas at doon masarap na pinatulog hanggang umaga. At sinabi niya sa kaniya na maayos ang lahat para sa kaniya at sa kabayo.


Ngayon, nang ilang bahagi na ng gabi ang dumaan, at ang mga bituin ng umaga ay nanaluktok sa arko ng langit, bumukas ang pinto ng silid ni Rostam at pumasok ang mga mahihinang bulong ng tinig mula sa labas. At doon pumasok ang isang aliping may dalang lampara na pinabanguhan ng amber kasunod ang isang babaeng natatabingan ang kagandahan. At sa kaniyang pagpasok ay umalingasaw ang matinding amoy mula sa kaniyang

gown.


Lumakad ang babae papalapit sa kama ng bayaning lasing at pagod. At namangha siya nang makita niya ito. Nang nakatayo siya ay kaniyang sinabi,“Sino ka? Anong pangalan mo at ang iyong pakay at anong dahilan upang hanapin mo ako sa madilim na gabing ito?” At sinagot siya ng babaeng nakatakip ang kalahating mukha, sinabi, “Ako si Tahmineh, ang anak ng Hari ng Samengan, sa lahi ng mga leopardo at leon. Wala sa mga prinsipe ng mundong ito ang karapat-dapat para sa aking kamay. Gayondin, wala pang lalaking nakakakita sa akin nang walang talukbong ang mukha. Ngunit ang puso ko ay nababalot ng matinding kalungkutan. Napupuno ng kapanabikan ang aking kaluluwa nang marinig ko ang tungkol sa iyong mga ginawang katapangan, kung paanong hindi ka natinag ng Deev o ng leon, maging ng leopardo at buwaya, kung paano umatake ang iyong mga kamay, kung paano ka nakapaglakbay mag-isa patungong Mazanderan, kung paano ka kinain ng mga mababangis na hayop, paanong umalulong ang daigdig sa ilalim ng iyong mga yabag, kung paano mamatay ang mga kalalakihan sa iyong mga kamay at kung papaanong hindi mangahas ang isang agila na dagitin ang kaniyang biktima sa takot sa iyong espada. Lahat ng mga ito at marami pa ang mga bagay na kinuwento sa akin at ninais ng aking mga mata na makita ka. Ngayong dinala ka na ng Panginoon sa pintuan ng aking ama, naparito ako upang sabihing sa iyo na ako, kung maririnig mo ako, ngunit kung hindi, wala na akong aasawahin pa. At maaari, O Pehliva, paanong pinalabo ng pag-ibig ang aking pag-unawa at tinanggalang makapagpasya subalit ang nag-aalinlangang Panginoon ay magkakaloob sa akin ng anak na gaya mong malakas at may tapang, na siyang magmamana ng imperyo ng daigdig. At kung makikinig ka sa akin, “ibabalik ko sa iyo si Rakhsh na buhay at ilalagay ko sa ilalim ng iyong mga paa ang bayan ng Samengan.”


Ngayong habang ang buwan ng kagandahan ay hindi pa nagsasalita, kinonsidera ni Rostam ang babae. At nakita niyang patas siya at ang iniisip nito. Nang marinig niya si Rakhsh, nagpasya ang kaniyang kaluluwa, at inisip na hindi matatapos ang paglalakbay na ito nang matagumpay. Kaya’t pinadala niya si Mubid sa hari at hiningi ang kamay ni Tahmineh mula sa kaniyang ama. At ang hari, nang marinig niya ang balita ay nagsaya at ibinigay ang kaniyang anak na babae sa Pehliva at nagkaroon ng pagkakasundo sa kanila batay sa kaugalian at karapatan. At ang lahat ng lalaki, matanda man o bata sa loob ng tahanan at bayan ng hari ay nagalak sa pakikipagkasundo at tinuring na biyaya si Rostam.


Si Rostam, habang mag-isa kasama ng babaeng nakatakip ang kalahating mukha, ay kumuha ng isang onyx na kilala sa buong mundo. At ibinigay sa babae at sinabi, “Mahalin mo ang kuwintas na ito, at kung bibiyayaan ka ng langit ng anak na babae, isuot mo ito sa kaniya at ililigtas siya nito mula sa kasamaan. Ngunit kung ang ibibigay sa iyo ay anak na lalaki, isuot mo ito sa kaniyang braso gaya ng kung paano ito sinusuot ng kaniyang ama. Magiging kasing lakas siya gaya ni Keriman, titingalain gaya ni Sam na anak ni Neriman, at magkakaroon ng kasing husay na pananalita ni Zal, ang aking ama.”


Nang marinig ng babaeng nakatakip ang kalahating mukha ay natuwa sa kaniyang regalo. Ngunit nang lumipas na ang araw, dumating doon ang Hari na kaniyang ama at sinabi kay Rostam kung paano nakarating sa kaniya ang impormasyon tungkol kay Rakhsh at kung paanong sa isang saglit ay darating na ang kaniyang kabayo. At si Rostam, nang marinig ito’y napuno ng pananabik sa kaniyang alaga. Kaya’t nang malaman niyang dumating na ito, pinuntahan niya ito upang mahawakan. Gamit ang kaniyang mga kamay, tinali niya ang uupuan sa ibabaw ng kabayo at nagpasalamat kay Ormuzd na siyang nagbalik ng kaniyang kaligayahan sa kaniyang mga kamay. Pagkaraan, naisip niyang panahon na upang umalis. Niyakap niya si Tahmineh, at binasa ang kaniyang mukha ng kaniyang mga luha at pinupog ng halik ang kaniyang buhok. Pagkatapos ay umalis na siya sakay ni Rakhsh at agad naglaho sa paningin ng babae. Lubhang kalungkutan ang bumalot kay Tahmineh. Gayondin, napuno ng alaala si Rostam sa kaniyang pag-alis patungo sa Zaboulistan. Binaon niya sa puso ang paglalakbay na iyon. Ngunit hindi niya pinagsabi kahit kanino ang kaniyang mga nakita at ginawa.


Sa pagdaan ng siyam na buwan, isinilang ni Tahmineh ang isang sanggol na lalaki na kamukha ng kaniyang ama. Isang batang puno ng ngiti sa labi at tinawag nga siya ng mga tao bilang Sohrab. Sa kaniyang pagsapit ng isang buwan, tulad na siya ng batang labindalawang taong gulang at nang maglimang taon na siya ay may kakayahan na siya sa paggamit ng armas at sa lahat ng sining ng pakikidigma. Nang lumipas ang sampung taon pa, wala nang nakapipigil sa kaniya pagdating sa labanang pampalakasan. At lumapit siya sa kaniyang ina at matapang na nagsalita. Ang sabi niya, “ngayong mas malaki at mas makisig na ako kumpara sa aking mga kaibigan, sabihin mo na sa akin ang aking pinanggalingang lahi, at kung ano ang isasagot ko kapag tinanong ako ng mga tao kung ano ang pangalan ng aking ama. Ngunit kung hindi ka papayag na sagutin ang aking mga hinihiling, papatayin kita.”


Nang nakita ni Tahmineh ang matinding pagnanais ng anak, ngumiti siya sapagkat ang kaniyang dating ay gaya ng kaniyang ama. Binuksan niya ang kaniyang bibig at sinabi, “Pakinggan mo ako, O aking anak, at matuwa ang iyong loob, at huwag hayaang looban ka ng galit. Dahil ikaw ang anak ni Rostam. Mula ka sa lahi nina Sam and Zal at si Nerimen ang iyong

ninuno. At dahil niloob ng Panginoon ang mundo na hawakan ni Rostam, ang iyong ama.”


At sumunod ay ipinakita niya sa anak ang sulat ni Pehliva, at ibinigay sa kaniya ang ginto at alahas na ipinadala sa kaniya ng kaniyang ama. Nagwika siya at sinabi, “Mahalin mo ang regalong ito nang may kagalakan, sapagkat ang iyong ama ang nagpadala ng mga ito sa iyo.” Ngunit tandaan, O aking anak, itikom ang iyong bibig hinggil sa mga bagay na ito sapagkat nagdadalamhati ang Turan sa kamay ni Afrasiyab na kalaban ng dakilang si Rostam. Samakatuwid, sakaling malaman niya ang tungkol sa iyo, ipapapatay ka niya dahil sa galit sa iyong ama. Higit pa, anak ko, kung malalaman ni Rostam na ikaw ay naging isang ganap na matapang, maaaring kunin ka niya sa akin, at dudurugin ng kalungkutan ang puso ng iyong ina.” Ngunit sumagot si Sohrab, “Walang maaaring maitago sa mundo para sa isang oo. Alam ng lahat ng kalalakihan ang mga ginawa ni Rostam, at dahil marangal ang aking pagkasilang, sa anong kadahilanan upang itago mo sa akin sa mahabang panahon? Susugod ako kasama ang isang hukbo ng matatapang na Turks pangungunahan ko sila patungo sa Persya. Aalisin ko si Kai Kawous sa kaniyang trono. Ibibigay ko kay Rostam ang paghahari sa Kaianides, at magkasama naming lulupigin ang lupain ng Turan at pahihirapan ko sa aking mga kamay si Afrasiyab at aakyat ako sa kaniyang puwesto. At ikaw ay dapat nang tawaging reyna ng Iran. At sapagkat si Rostam ang aking ama at ako ang kaniyang anak, walang ibang hari ang puwedeng mamahala sa mundong ito, dahil kami lamang dalawa ang nangangailangang magsuot ng korona ng kapangyarihan. At kinakapos ako sa paghinga sa paghahanap makaraan ng digmaan. At ninanais kong kilalanin ng mundo ang aking lakas. Ngunit kailangan ko ng isang kabayo na kayang tumindig at may sapat na lakas upang kayanin ako.


Ngayon, nang marinig ni Tahmineh ang mga salita ng lalaking iyon ay nagbinhi siya sa katapangan nito. Kaya’t inutusan niya ang mga tagapagbantay ng hawla na ilabas ang mga kabayo upang makita ni Sohrab na kaniyang anak. At sinunod nila ito ayon sa utos ni Tahmineh. Kinilatis ni Sohrab ang mga kabayo at sinubukan ang lakas ng mga ito gaya ng ginawa ng kaniyang ama, Ngunit hindi siya nasiyahan. At sa loob ng maraming araw ay naghanap siya ng karapat-dapat na kabayo. Hanggang sa isang araw ay may pumunta sa kaniya sinabi sa kaniya ang tungkol sa batang kabayo na anak ni Rakhsh.


Napangiti siya nang marinig ang tungkol dito at nag-utos na dalhin ang batang kabayo sa kaniya. Sinubukan niya ang kabayo at nakita na malakas ito. Kaya’t sinakyan niya ito at sumigaw, sabi, “Ngayong mayroon na akong kabayo na gaya ng sa iyo, dapat nang magdilim ang buong mundo para sa marami.”


Pagkaraan ay naghanda na siya para sa isang digmaan laban sa Persya. Dumagsa sa kaniyang paligid ang mga matataas na tao sa bayan at ng mga mandirigma. At nang maayos na ang lahat, dumating si Sohrab kasunod ng kaniyang lolo at hiningi ang payo nito at tulong sa pagsalakay sa lupain ng Persya upang hanapin ang kaniyang ama. At nang marinig ng Hari ng Samengan ang mga kahilingang ito, itinuring niyang patas ang mga ito, at binuksan ang mga pinto ng kaniyang kayamanan nang walang pagtatakda at ibinigay kay Sohrab ang kaniyang yaman sapagkat napuno siya ng kagalakan sa binata. Sa gayon ay nag-ukol siya ng lahat ng parangal ng isang hari sa kaniya. At binigyan siya ng buong pagkilala ng mabuting kagalakan ng hari. 


Sa huling bahagi, hindi nabatid ni Rostam na ang kaniyang katunggali ay ang sarili niyang anak na si Sohrab. At dahil nakilala na ni Sohrab na ang kaniyang kalaban ay ang kaniyang ama, sinadya niyang magpatalo sa labanan ngunit malubha siyang nasugatan bago pa niya naipagtapat ang katotohanang ayaw namang paniwalaan ni Rostam.


https://likhaharaya.wordpress.com/2019/07/09/shahnameh-ang-epiko-ng-mga-hari/

Shahnameh (Ang Epiko ng Mga Hari) Shahnameh (Ang Epiko ng Mga Hari) Reviewed by JKL on 1:18 AM Rating: 5

No comments:

Note: Only a member of this blog may post a comment.

Powered by Blogger.