Rama at Sita (Isang kabanata) Epiko – Hindu (India)


Rama at Sita (Isang kabanata)

Epiko – Hindu (India)

Isinalin sa Filipino ni Rene O. Villanueva


Sa gubat tumira sina Rama, Sita, at Lakshamanan nang ipatapon sila mula sa kaharian ng Ayodha. Minsan, isang babae ang dumalaw sa kanila. Hindi nila alam, nagpapanggap lamang ang babae. Siya ay si Surpanaka, ang kapatid ni Ravana, na hari ng mga higante at demonyo. “Gusto kitang maging asawa,” sabi nito kay Rama. “Hindi maaari,” sabi ni Rama. “May asawa na ako.” Narinig ni Sita ang dalawa kaya lumabas siya. Niyakap ni Rama si Sita sa harap ni Surpanaka. Nagselos nang husto si Surpanaka. Sa galit ay bigla siyang naging higante. Nilundag niya si Sita para patayin. Pero mabilis na nayakap ni Rama ang asawa at agad silang nakalayo kay Surpanaka, siya namang pagdating ni Lakshamanan.


“Sige patayin mo siya!” sabi ni Rama. Binunot ni Lakshamanan ang kaniyang espada at nahagip niya ang tenga at ilong ng higante. “Sino ang may gawa nito?” sigaw ni Ravana nang makita ang ayos ng kapatid. Nagsinungaling si Surpanaka kay Ravana para makaganti kay Rama. Sinabi niyang nakakita siya ng pinakamagandang babae sa gubat at inalok niya itong maging asawa ni Ravana pero tumanggi ang babae.


Nang pilitin daw niya, tinagpas ng isang prinsipe ang kaniyang ilong at tenga. “Tulungan mo ako, Ravana,” sabi pa nito. Bihagin mo si Sita para maging asawa mo.” Naniwala naman si Ravana sa kuwento ng kapatid. Pumayag siyang ipaghiganti ito.


Ipinatawag ni Ravana si Maritsa. May galing si Maritsa na mabago ang sarili sa kahit anong anyo o hugis. Nang malaman ni Maritsa na sina Rama at Lakshamanan ang makakalaban, tumanggi itong tumulong. “Kakampi nila ang mga diyos,” sabi ni Maritsa. “Kailangang umisip tayo ng paraan kung paanong makukuha si Sita nang hindi masasaktan si Rama.” Nakumbinsi naman si Ravana kaya nag-isip sila ng patibong para maagaw nila si Sita.


Isang umaga habang namimitas ng bulaklak, nakakita si Sita ng isang gintong usa. Tinawag niya agad sina Rama at Lakshamanan para hulihin ang usa na puno ng mamahaling bato ang sungay. “Baka higante rin iyan,” paalaala ni Lakshamanan. Dahil mahal na mahal ang asawa, kinuha ni Rama ang kaniyang pana at busog. “Huwag mong iiwan si Sita kahit ano ang mangyari,” bilin ni Rama sa kapatid. Parang narinig ng usa ang sinabi ni Rama. Agad itong tumakbo kaya napasigaw si Sita. “Bilis! Habulin mo ang gintong usa!”


Matagal na naghintay ang dalawa pero hindi pa rin dumarating si Rama. Pinilit ni Sita si Lakshamanan na sumunod sa gubat. “Hindi, kailangan kitang bantayan,” sabi nito. Ilang oras pa silang naghintay nang bigla silang nakarinig ng isang malakas na sigaw. Napaiyak si Sita sa takot pero ayaw pa ring umalis ni Lakshamanan kaya nagalit si Sita. “Siguro gusto mong mamatay si Rama para ikaw ang maging hari,” sabi nito kay Lakshamanan. Nasaktan si Lakshamanan sa bintang ni Sita. Para patunayang mahal niya ang kapatid, agad siyang sumunod sa gubat. Wala silang kamalay-malay na sa labas ay naghihintay si Ravana.


Sa gubat, napatay ni Rama ang usa at bigla itong naging si Maritsa. Nagpanggap naman si Ravana na isang matandang paring Brahmin. Nagsuot ng isang kulay kahel na roba at humingi siya ng tubig kay Sita. Hindi nakapagpigil si Ravana. “Bibigyan kita ng limang libong alipin at gagawin kitang reyna ng Lanka,” sabi ni Ravana. Natakot si Sita at nabitiwan ang hawak na banga! Itinulak ni Sita si Ravana. Bumalik sa anyong higante si Ravana. Hinablot ni Ravana ang mahabang buhok ni Sita at isinakay sa karuwaheng hila ng mga kabayong may malapad na pakpak. Nagsisigaw at nanlaban si Sita pero wala siyang magawa. Lihim na nagsisi si Sita sa ginawa niya kina Rama at Lakshamanan.


Itinapon niya ang mga bulaklak sa kaniyang buhok. Nagdasal siya na sana ay makita iyon ni Rama para masundan siya at mailigtas.


Mula sa isang mataas na bundok, narinig ng isang agila ang sigaw ni Sita. Hinabol ng ibon ang karuwahe ni Ravana. Pinagtataga ni Ravana ang agila at duguan itong bumagsak sa lupa.


Pabalik na sina Rama at Lakshamanan nang makita nila ang naghihingalong agila. “Dinala ni Ravana ang asawa mo sa Lanka,” sabi nito bago mamatay. Sinunog ng magkapatid ang bangkay ng agila. Pagkatapos ay naghanda sila upang sundan ang hari ng mga higante sa Lanka. Dinala ni Ravana si Sita sa Lanka, ang kaharian ng mga higante at demonyo. “Mahalin mo lamang ako ay ibibigay ko sa iyo ang lahat ng kayamanan.” Sabi ni Ravana. Pero hindi niya napasuko si Sita.


Hiningi ni Rama ang tulong ng hari ng mga unggoy para salakayin ang Lanka. Sa labanang naganap, maraming kawal na unggoy ang napatay pero mas maraming higante ang bumagsak na pugot ang ulo. Hinanap ni Rama si Ravana at silang dalawa ang naglaban.


Matagal na naglaban sina Rama at Ravana hanggang sa mapatay ni Rama ang hari ng mga higante. Tumakas ang iba pang mga higante nang makita nilang patay na ang kanilang pinuno. Umiiyak na tumakbo si Sita sa asawa. Nagyakap sila nang mahigpit at muling nagsama nang maligaya.

Rama at Sita (Isang kabanata) Epiko – Hindu (India) Rama at Sita (Isang kabanata)  Epiko – Hindu (India) Reviewed by JKL on 1:09 AM Rating: 5

No comments:

Note: Only a member of this blog may post a comment.

Powered by Blogger.