Basahin mo ang isang tulang pinamagatang, “Kulturang Pinoy”. Pansinin mo ang mga kulturang mababanggit sa tula gayondin ang mga salitang naglalarawan sa mga ito.
Kulturang Pinoy
Ni Cindy C. Menor
May isang kasabihan na isa ang kultura sa dahilan,
Pagkakakilanlan ng bansa maging ng mga mamamayan
Ito’y tumutukoy sa mga kaugalian at paniniwala,
Isama pa ang mga gawi na kailanman ay hindi mawawala.
Sa ating bansa, mayamang kultura ay matatagpuan
Halika’t ating tukuyin ang ilan,
Isa na rito ang nakamamanghang matapat na pagbabayanihan
Anoman ang pangyayari, bawat isa ay nagdadamayan.
Mainit na pagtanggap sa panauhin, tayong mga Pinoy ay kilala,
Ihahain sa kanila pinakaespesyal na pagkain sa mesa
Pagdating naman sa pananampalataya, tayo’y kahanga-hanga
Laging nagpagpapasalamat kahit may pinagdaanang sakuna.
Makikita ang makukulay na palamuti kapag may okasyon
May masasarap na pagkain kung saan kilala ang ating nasyon
Pagmamano sa nakatatanda ay hindi nalilimutan
Pagsagot ng po at opo bilang paggalang ay bahagi ng kulturang nakagisnan
Tunay na tayong mga Pinoy sa kulturang taglay ay pinagpala
Ito’y maituturing na isa sa mahalagang kayamanan ng ating bansa
Kaya mga kababayan ko ang dapat nating gawin,
Ating igalang, ingatan at isabuhay Kulturang Pinoy na saraling atin!
No comments:
Note: Only a member of this blog may post a comment.