Pangungulila
Ni Judith Ann M. Garcia
Ako si Narcisa, kilala sa pangalang Sisa. Payak lamang ang pamumuhay ng aking pamilya. Si Pedro ang aking asawa. Nakalulungkot isipin na siya ay isang sugarol at iresponsableng padre de pamilya. Kahit ganoon siya, ni minsan ‘di ko naisip na humiwalay sa kaniya sapagkat pinanghahawakan ko ang sumpaang sa hirap at ginhawa, kami ay mag-sasama. Martir ba ako? Ano sa palagay mo? Marahil ay isang malaking, oo, ang tugon mo pero masaya rin naman ako dahil sa dalawa kong mababait at masisipag na anak. Sila ay sina Basilio at Crispin.
Ay, oo nga pala! Ngayon ang uwi nila mula sa simbahan. Nagtatrabaho kasi sila roon bilang sakristan. Ayaw ko man dahil sa murang edad nila, ngunit wala naman akong magagawa dahil kapos kami sa buhay.
Tiyak kong gutom na gutom ang mga iyon. Buti na lang may ibinigay si Pilosopo Tasyo na mailuluto ko para sa kanila ngayong gabi. Sigurado akong magugustuhan ni Crispin ito, paborito niya kasi ang tuyong tawilis at sariwang kamatis at para naman kay Basilio ay ang tapang baboy-ramo at isang hita ng patong bundok. Teka, nasaan na kaya ang mga iyon? Gabi na ah!
Biglang dumating ang aking asawa, mukhang gutom na gutom at mainit na naman ang ulo. Hayst! Inubos niya ang pagkain at sinabing ipagtira siya ng salapi mula sa suweldo ng anak para sa bisyo niya at dali-dali nang umalis pagkakain. Paano na ang gagawin ko? Isa na lang ang tuyong natira, wala naman akong salaping pambili. Kaawa-awa kong mga anak, wala nang kakainin.
Walang ano-ano ay biglang dumaan ang pusang itim sa aking harapan. Kinabahan ako! Hindi nagtagal ay may humahangos at may takot na boses akong narinig sa labas ng aming tahanan.
Si Basilio iyon! Nakita ko ang panganay kong anak na dumudugo ang noo at sugatan. Sunod-sunod ang katanungan ko. Sino ang may gawa sa iyo niyan? Ano ang nangyari? Nasaan si Crispin? Ngunit minabuti kong pagpahingahin muna ang aking anak. Habang gulo naman ang aking isip kung nasaan si Crispin at kung ano ang tunay na nangyari.
Kinaumagahan ay nagpasiya akong pumunta sa simbahan dala ang mga bagong pitas na gulay para sa kura ngunit labis na panlalait at bintang ang aking inabot sa mga katiwala roon. Hindi ko man lamang nakausap ang kura sapagkat may sakit daw ito.
Umuwi akong gulo ang isip. Nais kong makita ang aking anak. Pag-uwi ko ay nadatnan ko ang dalawang guwardiya sibil sa aming tahanan; pilit nilang pinalalabas ang aking mga anak. Binitbit nila ako pati ang mga alaga kong inahing manok. Ikinulong ako sa kuwartel at kalauna’y pinalaya rin sapagkat wala talaga akong aaminin sa kanila. Kinaladkad ako sa gitna ng mga tao. Hiyang- hiya ako, para akong lulubog sa kinatatayuan ko!
Pag-uwi ko ay hinanap ko agad ang aking anak na si Basilio pero ang tumambad sa akin ay ang pilas ng damit niyang may dugo.
Dugo? Bakit may dugo? Basilio! Basilio! Anak, nasaan ka? Diyos ko! Ang mga anak ko. Nasaan sila? Sila ang tanging kasiyahan ko sa buhay kong puno ng pagtitiis at pasakit. Nasaan na kayo?
Basilio...Crispin... mga anak!
Pst! Pst! Ale, nakita mo ba ang mga anak ko? Hindi? Bakit hindi? Ang mga anak ko, sila ang nagpapatunog ng kampanaryo sa simbahan! Hindi! Hindi nila ninakaw ang onsang ginto! (tatawa) Araw ngayon ng mga patay, magsaya tayo! (iiyak) (tatawa). Nasaan na ang mga anak ko! Ilabas ninyo!
Crispin...Basilio...mga anak, nasaan na kayo?!
No comments:
Note: Only a member of this blog may post a comment.