Tiwala ( Dula ng Pilipinas ) ni J. B. Del Rosario




Mga Tauhan:

Frida – bunsong anak ni Minda, edad 13 nasa ikalawang baitang sa hayskul

Minda – ina ni Frida na labis magtiwala sa anak, edad 42

Brett – panganay na anak ni Minda, edad 16 nasa ikalawang baitang pa rin sa hayskul

Boyong – asawa ni Minda na karpentero

Jepoy – tambay na kasintahan ni Frida nasa edad 19

Gng. Rosales - guro ng magkapatid

Aling Bebang - ina ni Jepoy

Kate – kabarkada ni Frida

Kapitbahay

Oras: ika-7:00 ng umaga



Tagpo: Sa paaralan sa loob ng silid ng mga guro, makikitang kausap ni Minda si Gng. Rosales. May halos 12 mesa sa loob, maraming nagpatong na papel, notebook, test paper at mga aklat na kagamitan ng guro sa pagtuturo. Maaliwalas pa dahil nasa klasrum ang ilang guro habang hindi pa dumarating marahil ang iba. Sa labas, makikitang may ilang mag-aaral na gumagala na wala sa loob ng klasrum. Samantala, ang maririnig lamang na tinig nang umagang iyon ay ang may kalakasang boses ni Minda habang kausap si Gng. Rosales. Sa pagtaas ng tabing makikitang nakaupo si Minda sa harap ng mesa ni Gng. Rosales sa loob ng faculty room.


Minda: (Sa malakas na tinig.) Marunong talaga ang anak kong si Frida, ma’am. Hindi man lamang nakakuha kahit kaunting talino ang panganay ko sa kaniya. Naku, batang iyon, hayun at iniwan ko pang natutulog (Pailing-iling pa.) Napakatamad mag-aral puro lakwatsa ‘di gaya ng bunso ko! (Mapapangiti.)



Gng. Rosales: Wala na naman nga po sa klase si Brett, ‘nay. (Sa mahinahong tinig.) Nakailang kausap na nga rin po kami pero panay lang ang pangakong mag-aaral na mabuti. (Sa tinig na tila nanghihinayang.)


Minda: Sawang-sawa na ko sa kagagalit at kapapangaral, ma’am kay Brett. Suko na rin kahit ang tatay niya. (Mababanaag ang lungkot sa tinig.) Kaya kay Frida na lang kami totoong umaasa na makakaahon sa

hirap. Panay aral ang ginagawa sa bahay niyang bunso ko na iyan, maam. Ni hindi ko na nga tuloy pinaglilinis ng bahay o pinag-uurong man lang. Ayos lang at nag-aaral namang mabuti, kaytataas pa ng

marka! (Halos kumikislap ang mata nang mabanggit muli ang bunso.)


Gng. Rosales: Teka po nanay, kahapon lamang pala ay kinausap ko si Frida dahil mula noong nakaraang Linggo ay may tatlo na pong liban. Ano po ba ang dahilan? (Sa malumanay pa ring tinig.)


Minda: Ah, baka iyan iyong nasabi niya sa akin na gumagawa sila ng proyekto sa bahay ng kaklase. Tinapos nila raw muna, ma’am kaya sabi sa akin ay babawi na lamang daw siya sa na–miss niyang aralin sa Ingles. Ginagabi pa nga pag-uwi, ma’am. (Nagpapaliwanag pero nakangiti pa rin.) Kilala ko naman po ang kasama niyang lumiban din kaya okey lang po. Malaki ang tiwala ko sa bunso ko. Kayang-kaya niyang bumawi sa pagkukulang niya ‘di gaya ng panganay ko malamang bumagsak na naman. (Napapailing-iling pa.)


Gng Rosales: Mas mabuti na rin po na batid ninyo ang pagliban ni Frida. Tungkol naman kay Brett, huwag ninyo pong sukuan ang anak ninyo. Pagtulungan po lagi nating maliwanagan at bumalik sa pag-aaral. (May tila nang-aalong tinig.)


Minda: Ayoko nang umasa, ma’am. Pasaway na tunay, ewan ko ba kung kanino nagmana! (Pailing-iling na tumayo at nagpaalam na sa guro.) (Nang hapong yaon sa bahay nina Minda, maririnig ang pagtatalo ng kanyang dalawang anak sa malalakas na tinig. Papasok si Minda na sanay na halos sa mga anak na parang aso at pusa.)


Minda: Maanong maglayo nga kayong dalawa. Ikaw Brett, doon ka na lang sa barkada mo nang matahimik ang bahay. Hayaan mong mag-aral na lang iyang kapatid mo. (Sa malakas pero mahinahong tinig na bantad na sa paraan ng pag-uusap ng mga anak.)


Brett: (Sa malakas at galit na tinig na tila nang-uuyam.) Aral nga ba ha, Frida o aral-aralan? Pabintang ka pa. Tigilan mo ang pakikipag-date kay Jepoy. Huwag mong lokohin sina nanay at tatay.


Minda: (Nagulat) Anong date ba iyang sinasabi mo ha, Brett? Ni wala ngang boyfriend iyang si Frida at puro pag-aaral ang ginagawa saka ang bata-bata pa niyan.


Brett: (Pasigaw) Huuuhhh… niloloko kayo ng bunso ninyo, ‘nay!


Frida: (Pasigaw rin) Nag-aaral akong mabuti Kuya Brett, nakita mo naman kaytataas ng marka ko ‘di tulad mo tatlong taon na sa grade 8. Wala akong panahon sa manliligaw, date pa kaya! (Ngunit hindi makadiretso ng tingin sa kapatid mailap ang kanyang mga mata.)


Minda: (Tititigang mataman si Brett, hahawakan sa braso at nanggigigil na nagsalita.) Huwag mong pinagbibintangan iyang kapatid mo. Sa halip, gumaya ka sa kanya puro aral!


Brett: Kinampihan mo na naman iyang bunso mo, barkada ko ang nakakakitang nakikipag-date ‘yan doon sa parke. Project-project. Kapal mo, Frida! (Galit at nanlalait) Marunong ka nga, manloloko ka naman…pwe! (Umismid)



Minda: May tiwala ako kay Frida, Brett. Siya ang tutupad ng pangarap ko na ayaw mong tuparin… ang makitang may diploma kayo at nakaahon sa hirap (Lumungkot ang kanina’y galit na mukha). Iyang tatay ninyo’y kandakuba sa paglalagare at pagpipiyon doon sa Cavite, kita naman ninyo buwanan na kung umuwi…aba’y pagaanin ninyo naman ang buhay natin!(Napataas ang tinig.) (Babaling kay Frida)


Minda: Anak, huwag mo sanang sirain ang tiwala namin sa iyo ng tatay mo. Bata ka pang masyado. Marunong ka, gamitin mo naman iyang kukote mo! (Hinimas sa likod ang anak at sinaway na ang pagtatalo ng magkapatid na naghiwalay na masama ang tingin sa isa’t isa.) (Lumipas lamang ang mahigit isang buwan, nagulantang si Aling Minda sa tawag ng kapitbahay habang siya’y naglalaba.)


Minda: Ano? Nasa ospital ang anak ko? (Anyong gulat na gulat at malakas ang tinig.)


Kapitbahay: Mare, kailangang-kailangan ka raw sa ospital ngayon at may nangyari kay Frida. Tumawag si Kate ko. Pinasasabi raw sa iyo ni Jepoy. (Nag-aalangan at may nagugulumihanang tinig.) (Sa ospital na pampubliko, nakausap ni Minda ang doktor na nagsabing kailangang iraspa ang anak. Halos hindi na niya maunawaan pa ang ibang sinabi ng doktor na dalawang buwang buntis ang anak, dinugo ito matapos madulas sa maputik na daan at noo’y kasama ang kasintahang si Jepoy. Tuloy-tuloy lamang na dumaloy ang luha sa kanyang pisngi at ni hindi halos makapagsalita. Mabuti na lamang at nakaalalay sa kanya ang tumawag na kapitbahay na ina ni Kate.) (Naiuwi na ng bahay si Frida, naroon at kausap nila si Jepoy at ang ina nito. Kaharap silang mag-asawa, matamang nakatingin lamang si Frida sa kanila na nakahiga sa papag na nilagyan ng kutson sa gilid na bahagi ng sala.)

Boyong: Binigo ninyo kami, Jepoy. Marami kaming pangarap kay Frida. Napakasakit na niloko kami ng bunso ko. (Garalgal ang tinig, pinipigil ang galit.)

Aling Bebang: (Sa anyong kimi at nahihiya.) Ako na ang humihingi ng paumanhin sa inyo. Totoo pong nahihiya talaga ako ngayon. Pasabihan ninyo lamang kami kung paano makatutulong sa inyo. Baka naman sa nangyari ay magkaisip na itong si Jepoy at maghanapbuhay. Tumanda rin nang pau rong! (Bahagyang napalakas ang tinig.)

(Matapos mapagkasunduang hindi magsasama ang dalawa at dadalaw-dalawin na lamang ni Jepoy si Frida ay umuwi na ang mag-ina.) (Nakamasid lamang si Frida at humihikbi lamang habang nasa papag hanggang matapos ang pag-uusap.) (Sa silid ng mag-asawa, makikitang nakaupo na sa katre si Minda habang namintana si Boyong at panay buntong-hininga.)

Minda: (Umiiyak) Kasalanan ko ito, sumobra ang tiwala ko kay Frida. Akala ko’y pakikinggan niya ang mga pangaral natin sa kanya at nadadama niya ang hirap ng buhay natin. Pasensya ka na talaga, Boyong. (Tumingin sa asawa.)


Boyong: Nariyan na iyan. Pareho tayong nagtiwala na gagamitin ng anak natin ang talino niya at ‘di papasok agad sa kay batang relasyon. Umasa na lamang tayo na natauhan siya sa nangyari sa kaniya. (Pailing-iling na pigil ang pagluha.) (Mapapalingon sa pinto sa pagsungaw ni Frida na tigmak sa luha.)


Frida: Sorry po, Tatay, Nanay. Patawad po. Hiyang-hiya po ako sa nangyari. Naging makasarili po ako. Niloko ko kayo… binigo sa pangarap ninyo. Babawi po ako. (Napahagulgol na nang malakas hanggang

marinig na sa silid ang pag-alo ng ama sa kanyang mag-ina.) (Bago magsara ang tabing ay papasok si Brett, may dalang umuusok pang noodles na kaluluto pa lamang at inilagay sa isang tray para sa kanilang apat. Palihim ay nagpapahid din ng luha.)

Tiwala ( Dula ng Pilipinas ) ni J. B. Del Rosario

Tiwala ( Dula ng Pilipinas ) ni J. B. Del Rosario Tiwala ( Dula ng Pilipinas ) ni J. B. Del Rosario Reviewed by JKL on 1:08 AM Rating: 5

No comments:

Note: Only a member of this blog may post a comment.

Powered by Blogger.