Ang mga Pilipino ay nasadlak sa kamay ng mga dayuhan ngunit bumangon at lumaban upang di mahulog nang tuluyan.
Tatak Ko Ito… Pilipino (Sanaysay)
ni: Carolina G. dela Cruz
Sarisari. Halo-halo, Iba-iba. Kakaiba! Pinanday ng panahon. Hinulma ng mga impluwensya at pagbabago!
Lahing Kayumanggi. Produkto ng samu’t saring impluwensya mula noon hanggang ngayon — ang kulturang Pilipino. Bago pa man dumating ang mga dayuhang kanluranin mayroon ng mga kalinangan at kulturang umiiral sa bansa. May sariling alpabeto — ang baybayin. Sa pamamahala naman ay may mga datu, lakam, rajah, sultan. Pagdating naman sa ispiritwalidad, nangasiwa ang mga babaylan. Sa aspeto ng kabuhayan, hindi rin maitatangging tayo ay mayroon nang masiglang pakikipag-ugnayan sa mga karatig-bansa.
Ito’y isang patunay na mayroon na tayong kabihasnang maipagmamalaki. Hindi ang banyaga ang nagdala nito sapagkat tayo’y bihasa at sibilisado na bago pa man ang kanluranisasyon ng bansa. Nang dumating ang Kastila, bitbit ang Katolisismo, pilit ipinayakap, hinubog sa kaalamang pananampalataya na ang kabalintunaan ay paglaganap ng pang-aabuso ng mga nag-aanyong maamong tupa. Dumating ang Amerikano, dala pa rin ay pananakop, nagpanggap na kaibigan ngunit isa rin palang tunay na kaaway. Edukasyon ay ipinalaganap. Kaisipang bayan ay pinalitan ng kaisipang busabos. Inalila at muli pinagsamantalahan ang inosenteng isipan.
Dumating ang mga Hapones, dala rin ay katampalasan at karahasan. Narito si Kano, nagpanggap na tagapagtanggol muli subalit tulad ng mga nauna’y pananakop ang siyang nilalayon. Lumaban nang lumaban ang mga Pilipino kahit sino pang amu-amuhan o diyos-diyosan ang dumating, sa madaling salita ang mga Pilipino ay hindi nagpapaagrabyado makamtan lamang ang laya para sa
bansa. Lumipas ang panahon, kasaysayan at kultura’y muling hinubog...Batas militar ni Marcos, EDSA Revolution ni Cory. Impeachment ni Erap. EDSA II,III. “I am sorry” ni Gloria. Aquino ulit. Duterteng mahigpit. Sa pag-iiba-iba ng ihip ng pulitika, pagbabago’y isinisigaw. Mga kaisipan ay binago at kultura’y nasadlak sa maraming pagtatanong. Bukas na pumapasok ang makabagong pananakop. Ngayo’y mga Pilipino ay hindi magkamayaw sa pagyakap kung ano ang maibibigay ng galing sa labas. Dumating ang K-Pop, K-drama, chinovela, anime, imported goods, swiss chocolate at china made products. Malaya na nga ba tayo? Siguro? Marahil? Oo?
Kanluranisasyo’y kaliwa’t kanan sa pagdaiti at pagmamantsa sa kalinangang Pilipino. Tunay na walang masama sa pagyakap ng kultura at impluwensya ng iba. Ngunit ang masama at hindi kailanman katanggap-tanggap ay ang pagbalewala sa sariling pagkakakilanlan. Tunay na lumipas man ang panahon ay umaalingawngaw pa rin ang tinig ni Antonio Luna na “ tunay nating mga kaaway ay ang ating sarili”. Tayo mismo ang sanhi ng ating paglimot. Nakalulungkot, nakatatakot, nakabibigla, nakapanghahamon.
Iba tayo. Pilipino ang lahi. Pilipino ang kultura. Kasaysaya’y kultura. Tangkiliking unang-una! Tagumpay sa huli! Kilalanin natin palagi ang kulturang atin. Sa lahat ng mga ito, ‘wag na ‘wag nating iwawaglit na tayo ay may sarili pa ring pagkakakilanlan, hinulma man ng iba ngunit nagpapakaiba. Sa kabuuan, sarisari man, halo-halo at iba-iba ang nagtangkang dumildil sa ating kultura, mananatiling… ikaw, ako at tayo! Tatak ko ito. Tatak… Pilipino!
Pag-unawa sa Binasa
Sagutin ang mga gabay na tanong.
1. Ano ang paksa ng binasa?
2. Ibigay ang kulturang taglay na ng mga Pilipino bago pa tayo sakupin ng mga dayuhan?
1. Ang mga Pilipino ay nasadlak sa kamay ng mga dayuhan ngunit bumangon at lumaban upang di mahulog nang tuluyan.
2. Pinanday ng panahon ang kulturang Pilipino na ibangiba sa kanluranin, hinubog nang maayos, patuloy na ginagawa at ginagamit ng bawat isa.
3. Hindi maitatangging tayo ay mayroon nang masiglang pakikipag-ugnayan sa mga karatig-bansa, kaya naman itong magandang relasyon na ito ay nagpapatuloy sa kasalukuyan.
4. Nang dumating ang mga Kastila ay pilit pinayakap ang kanilang kultura, ayaw man ay pilit itinuro at pinagamit sa mga Pilipino.
5. Sa kasalukuyan, bukas na pumapasok ang makabagong pananakop sapagkat di natin alintana ang malayang pagdating at paglabas ng mga produktong mula sa ibang bansa.
Ang iyong binasa ay isang uri ng "Sanaysay"
Isa sa mga halimbawa ng sanaysay sa Tagalog ay ang pagsulat tungkol sa kasalukuyang kalagayan ng Pilipinas. Sa sanaysay na ito, maaaring talakayin ang mga isyung panlipunan, pulitikal, at ekonomiko na kinakaharap ng bansa. Maaring magsalaysay ng mga pangyayari, maghatid ng mga opinyon at kaisipan, at magbahagi ng mga solusyon o panukala upang matugunan ang mga hamong ito. Maaaring magamit ang mga datos, impormasyon, at personal na karanasan upang suportahan ang mga argumento at paghahatid ng mensahe.
Sa isa pang uri ng sanaysay, maaaring talakayin ang mga usapin tungkol sa kulturang Pilipino. Maaaring isulat ang mga tradisyon, kagandahan ng kultura, at mga pagbabago sa kasalukuyang panahon. Maaring tuklasin ang mga kaugalian, paniniwala, at mga kinagawiang pangkulturang Pilipino. Maaring ipakita ang kahalagahan ng pagpapahalaga sa ating kultura at ang kahandaan na ipagtanggol at pangalagaan ito. Maaaring gamitin ang mga halimbawa, kwento, at talasalitaan na makatutulong upang maipakita ang kahalagahan at kagandahan ng ating kultura.
Ang mga sanaysay ay maaaring maging daan upang maipahayag ang mga kaisipan, damdamin, at paniniwala ng isang manunulat sa pamamagitan ng kanyang panulat. Ito ay isang mahusay na paraan upang makapagbahagi ng kaalaman, inspirasyon, at pag-unawa sa mga mambabasa. Sa pamamagitan ng mga sanaysay, maaari nating maipakita ang lakas, kagandahan, at angking talino ng wika at kultura ng mga Pilipino.
Tagged for: Halimbawa ng Sanaysay - meaning "examples of essays" in Filipino, for students or writers looking for sample essays for reference or inspiration.
No comments:
Note: Only a member of this blog may post a comment.