Ang iyong mababasang tula ay tungkol sa COVID19 Pandemic na isinulat ni Julieta Del Rosario. Ang tulang ito ay nababasa sa mga DepEd Official Modules.
Pikit-mata sa Pandemya ni Julieta B. Del Rosario
Psst…Juan madali ka, aabutan ka niya
hoy, Maria…tayo na, paparating na siya;
Coronavirus’ ngalan, pinilit kumawala,
ni wala kang sinino kahit mayamang bansa.
Sa mundo’y nagpasikat, daig mo pa’y artista
kung ‘ika’y pelikula kayrami mong kinita.
Sakit sanhi ng virus, Covid 19 ka ngayon
‘sang uri ng pandemyang panlunas ‘di matukoy;
Bawat laboratoryo sinisikap tumugon
eksperimento rito, eksperimento roon.
Kailan mapupuksa? Pa’no kami susulong
sa epidemyang itong sa ‘Pinas nakituloy?
Lagpas sa sampung milyon, bilang nang may virus
mahigit limang milyon buhay niyang inubos;
Isama pa ang takot sa puso’y gumagapos,
ni walang makabatid kailan ka uulos?
Stay safe and healthy lagi, sa buong mundo’y utos
at tanging magagawa nang buhay wag matapos.
Pikit-matang tinanggap, bagong normal na buhay,
ECQ at GCQ kahit ayaw, nasanay;
Pamilya ay binuo, nalinis kalikasan
tumibay pananalig, tumawag sa Maykapal.
Saradong dalanginan ay lalong nagpatibay
na hindi matitinag ng anumang sagabal.
Ilang buwa’y lumipas, hapag ay nairaos
‘pagkat may gumagabay na maawaing Diyos;
Isa, dalawang taon… tumagal man ang virus
ay mayro’n kang proteksyon na hindi mauupos.
Ang Poon ay sandigan, pag-ibig N’ya’y ‘di kapos
kaya Maria’t Juan, manalig kayong lubos.
Inabot man ng virus, huwag magpikit-mata
bagkus magsama-sama sa kalabang ‘di kita;
Kahit marating niya bawat sulok ng bansa,
paningin ay idilat, talasan yaring diwa.
“Coronavirus ka lang, Diyos aking korona!”
Walang makagagapi kahit anong pandemya.
Nagustuhan mo ba ang binasang tula? Tunay na dapat tayong maging handa at ligtas sa ganitong uri ng pagsubok sa atin. Ang mahalaga lamang mananatili tayong buo at nagtitiwala sa Lumikha.
Ang iyong nabasa ay isang tula na pumapaksa sa kasalukuyang, krisis na pinagdaraanan ng ating bansa. Upang higit ka pang maliwanagan, narito ang ilan namang mga mahahalagang kaalaman na dapat mong malaman sa pagsulat ng tula.
Ang tula ay isang sining na nagpapahayag ng damdamin, karanasan o kaisipan. Ito ay naglalarawan sa isang partikular na bagay o sitwasyong binibigyang-diin sa pamamagitan ng paggamit ng idyoma, tayutay o malalalim na pahayag. Sa pagsulat ng isang tula, higit na mapagaganda ito kung gagamitan natin ng sangkap o elemento ng tula.
Ito ay ang sumusunod:
1. Sukat - ito ay tumutukoy sa bilang ng pantig ng bawat taludtod na bumubuo sa isang saknong. Ang pantig ay tumutukoy sa paraan ng pagbasa.
Halimbawa:
I- lang- bu-wa’y- lu-mi-pas, ha-pag -ay -na-i-ra-os ( 14 na pantig)
‘ ‘pag-kat- may- gu-ma-ga-bay- na- ma-a-wa-ing -Di-yos; ( 14 na pantig)
2. Saknong - ito ay grupo sa loob ng isang tula na may dalawa o maraming linya o taludtod.
Halimbawa:
Psst…Juan madali ka, aabutan ka niya
hoy, Maria…tayo na, paparating na siya;
Wuhan China nagmula, pinilit kumawala,
ni wala kang sinino kahit mayamang bansa.
Sa mundo’y nagpasikat, daig mo pa’y artista
kung ‘ika’y pelikula kayrami mong kinita.
Sakit sanhi ng virus, Covid 19 ka ngayon
‘sang uri ng pandemyang panlunas ‘di matukoy;
Bawat laboratoryo sinisikap tumugon
eksperimento rito, eksperimento roon.
Kailan mapupuksa? Pa’no kami susulong
sa epidemyang itong sa ‘Pinas nakituloy?
Paalala: Maaaring higit sa dalawang saknong ang tula.
3. Tugma - ang tawag sa parehong tunog ng huling pantig sa bawat taludtod.
Uri ng Tugma
1. Tugma sa patinig (Ganap) - kapag pare-pareho ang pantig sa loob ng isang
saknong
Halimbawa
Inabot man ng virus, huwag magpikit-mata
bagkus magsama-sama sa kalabang ‘di kita;
2. Tugma sa katinig (Di– ganap) - ang mga taludtod ay nagtatapos sa katinig
bagamat may iisang uri ng patinig
a. unang lupon— b, k,d,g,p,s,t
Halimbawa : Malungkot balikan ang taong lumipas
Nang siya sa sinta ay kinapos-palad
b. ikalawang lupon— l,m,n,ng,r,w, y
Halimbawa: tumibay pananalig tumawag sa Maykapal saradong dalanginan ay lalong nagpatibay
3. Kariktan - Ito ay mga maririkit na salita para mapasaya ang mambabasa at mapukaw
ang damdamin at kawilihan
Halimbawa:
kulang — kapos
magtiwala—manalig
Sa halip na gamitin ang salitang “kulang”, maaring gamitin ang “kapos”
gayon din sa salitang “magtiwala”, maaaring gamitin ang “manalig” para higit
na mapaganda ang tula.
4. Talinghaga - Ito ay tumutukoy sa mga di-tiyak na pagtukoy ng mga bagay na binabanggit.
Halimbawa:
Inabot man ng virus, huwag magpikit-mata
“Coronavirus ka lang, Diyos aking korona!”
Pare-pareho ang pantig na ginamit
No comments:
Note: Only a member of this blog may post a comment.