Kaligirang Kasaysayan ng Noli Me Tangere

 


Kaligirang Kasaysayan ng Noli Me Tangere


Ang Noli Me Tangere ang kauna-unahang nobelang isinulat ni Rizal. Magdadalawampu’t apat na taon pa lamang siya nang isulat niya ito. Naisipan ni Rizal na sumulat ng Noli Me Tangere dahil sa tatlong aklat na nagbigay sa kaniya ng inspirasyon: The Wandering Jew, Uncle Tom’s Cabin, at ang Bibliya.


Nang mabasa ni Rizal ang aklat na The Wandering Jew (Ang Hudyong Lagalag) ay nabuo sa kaniyang puso na sumulat ng isang nobelang gigising sa natutulog na damdamin ng mga Pilipino at magsisiwalat sa kabuktutan at pagmamalupit ng mga Espanyol.


Ang The Wandering Jew ay tungkol sa isang lalaking kumutya kay Hesus habang siya ay patungo sa Golgota. Ang lalaking ito ngayon ay pinarusahan na maglakad sa buong mundo nang walang tigil.


Ang Uncle Tom’s Cabin ay tungkol sa pagmamalupit ng mga puting Amerikano sa mga Negro. Tumindi ang pagnanais ni Rizal na makabuo ng aklat na tumatalakay sa pagmamalupit ng Kastila sa mga Pilipino.


Ang pamagat na “Noli Me Tangere’’ ay salitang Latin na ang ibig sabihin sa wikang Filipino ay ‘’huwag mo akong salingin’’ na hango sa Bibliya sa Ebanghelyo ni San Juan.


Inilathala ang unang nobela ni Rizal noong dalawampu’t anim na taong gulang siya. Makasaysayan ang aklat na ito at naging instrumento upang makabuo ang mga Pilipino ng pambansang pagkakakilanlan.


Sa simula, binalak ni Rizal na ang bawat bahagi ng nobela ay ipasulat sa ilan niyang kababayan na nakababatid sa uri ng lipunan sa Pilipinas at yaon ay pagsasama-samahin niya upang maging nobela. Ngunit hindi ito nagkaroon ng katuparan, kaya sa harap ng kabiguang ito, sinarili niya ang pagsulat nang walang katulong.


Bago matapos ang taong 1884 ay sinimulan niya itong isulat sa Madrid at doo’y natapos niya ang kalahati ng nobela. Ipinagpatuloy niya ang pagsulat nito sa Paris noong 1885 at natapos ang sangkapat. Natapos naman niyang sulatin ang huling ikaapat na bahagi ng nobela sa Alemanya noong Pebrero 21, 1887.


Natapos niya ang Noli Me Tangere, ngunit wala siyang sapat na halaga upang maipalimbag ito. Mabuti na lamang at dumalaw sa kaniya si Maximo Viola na nagpahiram sa kaniya ng salapi na naging daan upang makapagpalimbag ng dalawang libong (2,000) sipi nito sa Imprenta Lette.


Si Rizal mismo ang nagdisenyo ng pabalat ng nobela. Pinili ni Rizal ang mga elemento na ipaloloob niya rito, hindi lamang ang aspektong astetiko ang kaniyang naging konsiderasyon – higit sa lahat ay ang aspekto ng simbolismo.


Nagalit man ang mga Espanyol kay Rizal at nangamba ang kaniyang pamilya na baka siya’y mapahamak, inibig pa rin niyang makabalik sa Pilipinas dahil: Una, hangarin niyang maoperahan ang kaniyang ina dahil sa lumalalang panlalabo ng mata. Pangalawa, upang mabatid niya ang dahilan kung bakit hindi tinugon ni Leonor Rivera ang kaniyang mga sulat mula taong 1884-1887. Panghuli, ibig niyang malaman kung ano ang naging bisa ng kaniyang nobela sa kaniyang bayan at mga kababayan.


Ang nobela ay tumatalakay sa mga kinagisnang kultura ng Pilipinas sa pagiging kolonya nito ng Espanya. Binabatikos din ng nobela ang mga kaugalian na nakasanayan ng mga Pilipino at ang kapangyarihang taglay ng simbahang Katoliko na nahihigitan pa ang kapangyarihan ng mga lokal na alkalde. Bumuo ng kontrobersya ang nobelang ito, kung kaya't pagkatapos lamang ng ilang araw na pagbalik ni Rizal sa Pilipinas, tinanggap ni Gobernador Heneral Terrero sa Malacañang at inabisuhang puno ng subersibong ideya ang Noli Me Tangere. Pagkatapos ng usapan, napayapa ang liberal na Gobernador Heneral ngunit nabanggit niya na wala siyang magagawa sa kapangyarihan ng simbahan na gumawa ng kilos laban sa nobela ni Rizal.


Ayon sa liham ni Dr. Jose Rizal kay Dr. Ferdinand Blumentritt, ang mga layunin niya ay ang sumusunod:


1. Matugunan ang paninirang puring ipinaratang ng mga Kastila sa mga Pilipino at sa bansa.

2. Maiulat ang kalagayang panlipunan, uri ng pamumuhay, mga karaingan at kalungkutan.

3. Maihayag ang maling paggamit ng relihiyon na ginagawang dahilan o sangkalan sa paggawa ng masama.

4. Maipaliwanag ang pagkakaiba ng tunay sa ‘di tunay na relihiyon.

5. Mailantad ang kasamaang nakakubli sa karaingan ng pamahalaan.

6. Mailarawan ang mga kamalian, masasamang hilig, kapintasan at kahirapan sa buhay.


Isinulat niya ang Noli Me Tangere upang mabuksan ang mga mata ng Pilipino sa kanser ng lipunan na nangyayari sa bansa. Ito ay ang pananakop ng mga Kastila sa Pilipinas.

Kaligirang Kasaysayan ng Noli Me Tangere Kaligirang Kasaysayan ng Noli Me Tangere Reviewed by JKL on 1:29 AM Rating: 5

No comments:

Note: Only a member of this blog may post a comment.

Powered by Blogger.