Noli Me Tangere: Mahahalagang Pangyayari sa Buhay ni Maria Clara


Paglinang ng Talasalitaan

Narito ang ilang ‘di pamilyar na salitang ginamit sa mga kabanata. Basahin ang kahulugan upang matulungan kang maunawaan ito.


1. pagpintog – paglaki

2. pulot-gata – pagtatalik ng bagong kasal

3. tumalilis – mabilis na pagtakbo o paglakad

4. wagas – walang katumbas o walang katapusan

5. ander de saya – sunod-sunuran sa asawang babae

6. nakadaupang palad – mas makilala pa ang isang tao

7. kamagong – isang uri ng matibay na punongkahoy

8. asendero – tumutukoy sa tao na namumuno, nangangalaga o may-ari ng asyenda o malaking pataniman.

9. agwasil – sila ang katulong sa pagpapairal ng kapayapaan at kaayusan sa bayan.

10. loa – isang mahabang tula na binibigkas upang parangalan o papurihan ang isang mahalagang tao sa pagdiriwang o ang patron ng isang pista.


Kabanata 6: Si Kapitan Tiyago

Ang katangian ni Kapitan Tiyago ay itinuturing na hulog ng langit. Siya ay pandak, ‘di kaputian at may bilugang mukha. Siya ay tinatayang nasa tatlumpu’t limang taong gulang. Maitim ang buhok, at kung hindi lamang nananabako ay maituturing na siya ay magandang lalaki.


Siya ang pinakamayaman sa Binundok dahil sa marami siyang negosyo at iba pang klase ng ari-arian. Tanyag din siya sa Pampanga at Laguna bilang asendero, hindi kataka-taka na parang lobong hinihipan sa pagpintog ang kaniyang yaman.


Basta opisyal, sinusunod niya. Anomang reglamento o patakaran ay kaniyang sinusunod. Basta may okasyon na katulad ng kapanganakan at kapistahan, lagi siyang mayroong handog na regalo.


Si Kapitan Tiyago ay tanging anak ng isang kuripot na mangangalakal ng asukal sa Malabon. Dahil sa kakuriputan ng ama, siya ay hindi pinag-aral. Naging katulong at tinuruan siya ng isang paring Dominiko. Nang mamatay ang pari at ang ama nito, siya’y mag-isang nangalakal. Nakilala niya si Pia Alba na isang magandang dalagang taga Sta. Cruz. Nagtulong sila sa paghahanapbuhay hanggang sa yumaman nang husto at nakilala sa alta sosyedad.


Ang pagbili nila ng lupain sa San Diego ang naging daan upang maging kakilala roon ang kura na si Padre Damaso. Naging kaibigan din nila ang pinakamayaman sa buong San Diego- si Don Rafael Ibarra, ang ama ni Crisostomo Ibarra. Dahil sa anim na taon na pagsasama nina Kapitan Tiyago at Pia ay hindi nagkaroon ng anak kahit na kung saan-saan sila namanata.


Dahil dito, ipinayo ni Padre Damaso na sa Obando sila pumunta kina San Pascal Bailon at Sta. Clara at sa Ńuestra Sra. de Salambaw. Parang dininig ang dasal ni Pia, siya ay naglihi. Gayunpaman naging masasakitin si Pia, nang siya ay magdalang tao. Pagkapanganak niya, siya ay namatay. Si Padre Damaso ang nag-anak sa binyag at ang anak ni Pia ay pinangalanang Maria Clara bilang pagbibigay-karangalan sa dalawang pintakasi sa Obando. Si Tiya Isabel, pinsan ni Kapitan Tiyago, ang nag-aaruga kay Maria Clara. Lumaki siya sa pagmamahal na inukol ni Tiya Isabel, ng kaniyang ama at ng mga prayle.


Katorse anyos si Maria Clara, nang siya’y ipinasok sa Beaterio ng Sta.Catalina. Luhaan siyang nagpaalam kay Padre Damaso at sa kaniyang kaibigan at kababatang si Crisostomo Ibarra. Pagkapasok ni Maria Clara sa kumbento, si Ibarra naman ay nagpunta na ng Europa upang mag-aral.


Gayunman, nagkasundo sina Don Rafael at Kapitan Tiyago na kahit nagkalayo ang kanilang mga anak, pagdating ng tamang panahon silang dalawa (Maria Clara at Crisostomo) ay pag-iisahing dibdib. Ito ay sa kanilang paniniwala na ang dalawa ay wagas na nag-iibigan. 


Kabanata 24: Sa Kagubatan


Pagkatapos na makapagmisa nang maaga si Padre Salvi, nagtuloy ito sa kumbento upang kumain ng almusal. May inabot na sulat ang kaniyang kawaksi. Binasa niya ito. Kapagdaka’y nilamutak ang liham at hindi na nag-almusal. Ipinahanda niya ang kaniyang karwahe at nagpahatid sa piknikan. Sa may ‘di kalayuan, pinahinto niya ang karwahe. Pinabalik niya ito sa kumbento pagkababa. Binaybay niya ang kagubatan hanggang sa maulinigan niya si Maria Clara na naghahanap ng pugad ng gansa upang masundan niya at makita parati si Ibarra nang hindi siya makikita nito. Naniniwala ang mga dalaga na sinoman ang makakita ng pugad ay magkakaroon ng anting-anting o tagabulag.


Tuwang-tuwa si Padre Salvi sa panonood sa papalayong mga dalaga. Nais niyang sundan ang mga ito. Pero, ipinasya niyang hanapin na lamang ang mga kasama nito. Nang punahin ng mga kasama ng mga dalaga ang tungkol sa galos ng kura, sinabi niyang siya ay naligaw at hindi sinabi ang totoo na pinagmamasdan niya buhat sa likod ng mga puno ang mapuputi at makikinis na binti ng mga dalaga lalo na si Maria Clara.


Pagkaraang makapananghali, napag-usapan nina Padre Salvi ang taong tumampalasan kay Padre Damaso na naging dahilan ng pagkakasakit nito. Dumating si Sisa. Nakita siya ni Ibarra, kaya kaagad na iniutos na pakainin ito. Ngunit, mabilis na tumalilis si Sisa. Napunta ang usapan sa pagkawala nina Crispin at Basilio, mga sakristan ni Padre Salvi. Naging maigting ang pagtatalo nina Padre Salvi at Don Filipo sapagkat sinabi ng Don na higit pang mahalaga sa kura ang paghahanap sa nawawalang onsa kaysa sa kaniyang dalawang sakristan.


Namagitan na si Ibarra. Sinabi niya sa mga kaharap na siya na ang kukupkop kay Sisa at nakiumpok na si Ibarra sa mga binata at dalaga na naglalaro ng Gulong ng Kapalaran. Nagtanong si Ibarra kung magtatagumpay siya sa kaniyang balak. Inihagis niya ang dais at binasa siya ang sagot na tumama sa: Ang pangarap ay nananatiling pangarap lamang. Ipinahayag niyang nagsisinungaling ang aklat ng Gulong ng Kapalaran.


Mula sa kaniyang bulsa, inilabas niya ang isang kapirasong sulat na nagsasaad na pinagtibay na ang kaniyang balak na magtayo ng bahay- paaralan. Hinati ni Ibarra ang sulat, ang kalahati ay ibinigay kay Maria Clara at ang natitirang kalahati ay kay Sinang na nagtamo ng

pinakamasamang sagot sa kanilang paglalaro. At iniwanan na ni Ibarra sa paglalaro ang mga kaibigan.


Dumating si Padre Salvi. Walang sabi-sabing hinablot ang aklat at pinagpunit-punit ito. Malaking kasalanan anya, ang maniwala sa aklat sapagkat ang mga nilalaman nito’y pawang kasinungalingan. Nagalit si Albino at sinabihan ang kura na higit na malaking kasalanan ang pangahasan ang hindi kanya at walang pahintulot sa pagmamay-ari nito. Hindi na tumugon ang kura at sa halip ay biglang tinalikuran ang magkakaibigan at nagbalik na ito sa kumbento.


Dumating naman ang apat na sibil at ang sarhento. Hinahanap nila si Elias na siya umanong tumampalasan kay Padre Damaso. Inusig nila si Ibarra dahil sa pag-anyaya at pagkupkop sa isang masamang tao. Pero, tinugon sila ni Ibarra sa pagsasabing walang sinoman ang maaaring makialam sa mga taong kaniyang inaanyayahan sa piging kahit na sinoman ang mga taong ito. Ginagulad ng mga sibil at ng sarhento ang gubat upang hanapin si Elias na umano’y nagtapon din sa labak sa alperes. Ni bakas ni Elias ay wala silang nakita.


Nagpasyang umalis na sa gubat ang mga dalaga at binata nang unti-unting lumalaganap ang dilim sa paligid. Magtatakipsilim na.


Kabanata 38: Ang Prusisyon


Ang nakatutulig na paputok at sunod-sunod na pagdupikal ng mga batingaw ay nagbabadya nang ilabas ang prusisyon. Ang mga binata na halos lahat ay mayroong dalang parol. Kasamang naglalakad ni kapitan-heneral ang mga kagawad, si kapitan Tiyago, ang alkalde, ang alperes at si Crisostomo Ibarra at patungo sa bahay ng kapitan. Nagpatayo ang kapitan ng isang kubol sa harap ng kaniyang bahay upang pagdausan ng pagbigkas ng tulang papuri sa pintakasi ng bayan. Kung hindi lamang sa imbitasyon ng kapitan-heneral, mas gusto ni Crisostomo Ibarra na manatili na lamang sa tahanan ni Kapitan Tiyago upang makasama niya si Maria Clara.


Nangunguna sa prusisyon ang tatlong sakristan na may hawak na mga seryales na pilak. Kasunod nila ang mga guro, mag-aaral at mga batang may dala-dalang parol na papel. Ang mga agwasil naman ay may dalang mga pamalo upang gamitin sa sinomang maniniksik o humiwalay sa hanay. Mayroon din silang kasama na namimigay ng libreng kandila para gamiting pang-ilaw sa prusisyon.


Ang mga santong pinuprusisyon ay pinangungunahan ni San Juan Bautista. Sumunod si San Francisco, Santa Maria Magdalena, San Diego De Alcala at ang pinakahuli ay ang Mahal na Birhen. Ang karo ni San Diego ay hinihila ng anim na Hermano Tercero.


Inihinto ang mga karo at andas ng mga santo sa tapat ng kubol sa pagdarausan ng loa. Mula sa tabing may isang batang lalaking may pakpak, nakabotang pangabayo, nakabanda at may bigkis ang lumabas. Pagkatapos na bumigkas ng papuri ang bata sa wikang Latin, Kastila at Tagalog ay ipinagpatuloy ang prusisyon hanggang sa mapatapat sa bahay ni Kapitan Tiyago. Ang lahat ay natigilan sa magandang pag-awit ni Maria Claria ng Ave Maria sa saliw ng kaniyang sariling piyano. Kung napatigil si Padre Salvi ay dahil sa ganda ng tinig ni Maria Clara. Higit na nakadama ng kalungkutan si Ibarra, nadarama niya ang mensahe ng tinig ng kasiphayuan ng kasintahan. Saglit na naputol ang pagmumuni-muni ni Ibarra nang paalalahanan siya ng kapitan-heneral tungkol sa imbitasyon nitong makasalo sa pagkain upang pag-usapan ang pagkawala nina Basilio at Crispin.


Kabanata 42: Ang Mag-asawang De Espadaña


Malungkot sa bahay ni Kapitan Tiyago sapagkat may sakit si Maria Clara. Pinag-uusapan ng magpinsang Tiya Isabel at Kapitan Tiyago kung alin ang mabuting bigyan ng limos, ang krus sa Tunasan na lumalaki, o ang krus sa Matahong na nagpapawis. Nais malaman ni Tiyago kung alin sa dalawang ito ang higit na mapaghimala. Napagdesisyonan na parehong bigyan ng limos ang dalawang ito upang gumaling kaagad ang karamdaman ni Maria Clara. Natigil ang pag-uusap ng magpinsan nang mayroong tumigil sa harap ng bahay. Ang dumating ay sina Dr. Tiburcio de Espadaña, kasama ang inaanak ng kamag-anak ni Padre Damaso na si Linares, tanging kalihim ng lahat ng ministro sa Espanya. Inaasahan ni Kapitan Tiyago ang mga dumating na panauhin. Pagkatapos na maipakilala ni Victorina si Linares, sinamahan sila ni Tiyago sa kani-kanilang silid. Sa biglang tingin, aakalain na si Donya Victorina ay isang Orofea. Siya ay isang ginang na may edad na apatnapu’t lima, pero ipinamamalitang siya ay tatlumpu’t dalawang taong gulang lamang. Noong bata at dalaga pa siya ay kapani-paniwalang maganda ito. Kaya, hindi siya nagpasilo sa mga lalaking Pilipino at ang pinangarap niyang mapangasawa ay isang dayuhan. Isa siyang social climber at ibig na mapabilang sa mataas na antas ng lipunan. Ngunit, ang bitag na inihanda niya ay walang nasilo. Nalagay siya sa pangangailangan na kailangang makapangasawa siya ng dayuhan. Napilitan siyang masiyahan sa isang maralitang Kastila na taga-Espanya na itinaboy ng bayang Extremadura at ipinadpad ng kapalaran sa Pilipinas. Ang kastilang ito ay si Tiburcio de EspadaÅ„a na may tatlumpu’t limang taong gulang, ngunit mukha pang matanda kay Donya Victorina.


Nakarating siya sa Pilipinas sakay ng barkong Salvadora. Sa barko dumanas siya ng katakot-takot na pagkahilo at nabalian pa ng paa. Nahihiya na siyang magbalik sa Espanya, dahil ipinasya na niyang manatili sa Pilipinas. Eksaktong labinlimang araw siya sa bansa nang matanggap siya sa trabaho dahil sa tulong ng mga kababayang Kastila. Sapagkat hindi naman siya nag-aral, pinayuhan siya ng mga kababayan na humanap nang magandang kapalaran sa mga lalawigan at magpanggap na isang mediko na ang tanging puhunan ay ang pagiging kastila. Ayaw sana niyang sumunod dahil nahihiya siya, pero dahil sa gipit na gipit na siya, wala siyang mapagpipilian kundi sumunod sa payo.


Siya ay dating nagtatrabaho sa pagamutan ng San Carlos bilang tagapagpabaga nang mga painitan at tagapaspas ng alikabok sa mga mesa at upuan pero wala talagang kaalam-alam sa panggagamot. Sa una ay mababa pa ang singil ngunit lumalaon ay pataas nang pataas, sinamantala niya nang husto ang pagtitiwala ng mga Indio. Dahil dito, umaasa siya na tuloy-tuloy na ang kaniyang pagyaman. Ngunit, nagsumbong ang mga tunay na mediko sa Protomediko de Manila na siya ay pekeng doktor. Nawalan na siya ng pasyente. Babalik na sana siya sa pamamalimos sa mga kakilala’t kababayan subalit napangasawa nga niya si Donya Victorina.


Pagkakasal, lumipat sila sa Santa Ana at dito idinaos ang kanilang pulot-gata. Ilang araw ang nagtagal bumili ng aranya at karomata si Donya Victorina at matutuling kabayo mula sa Albay at Batangas para sa gamit nilang mag-asawa. Binihisan din niya nang husto ang asawa para magmukhang kagalang-galang. Ang Donya ay nagsimulang maging ilusyonada bilang isang Orofea. Nagpusod-Espanyola at naglagay ng mga palamuti sa katawan. Ilang buwan ang lumipas, ipinamalita niyang siya ay naglilihi at sa Espanya manganganak sapagkat ayaw ipanganak ang anak na tatawaging rebolusyunaryo. Ang kaniyang pangalan ay dinagdagan din ng de, kayat nakalimbag sa mga tarheta nito ang Victorina de los Reyes de Españada.


Dumaan ang tatlong buwan, ang inaasahang pagbubuntis ng Donya ay naunsyami kaya’t wala siyang magawa kundi ang manatili sa lupaing ito. Ang ginawa niya ay nagpatingin sa mga hilot at manggagamot, ngunit wala ring nangyari. Hindi siya nagkaanak.


Dahil siguro nadisperada ang Donya sa hindi pagkakaroon ng anak, naibunton niya ang kaniyang ngitngit sa asawa nito. Parang maamong kordero ang Don, kahit na ano ang gawin ng Donya hindi ito nakariringgan ng reklamo, kapag nagagalit ang Donya, nilalabnot niya ang pustiso ng asawa at kung minsan nama’y hindi niya pinapahintulutang lumabas ng bahay.


Isang araw, naisip ng Donya na ang asawa ay dapat na maglagay ng titulong medicina at cirugia. Tumutol ang Don sapagkat pamemeke na naman ang gagawin niyang panggagamot. Ngunit, wala siyang magawa at sumunod na lamang sa Donya. Tunay na amini’t hindi, siya ay ander de saya. Nagpaukit sa marmol ang Donya ng karatulang may nakasulat na: DOCTOR DE ESPADAÑA, ESPECIALISTA EN TODA CLASE DE ENFERMEDADES at ito ay ikinabit sa kaniyang bahay.


Naisip din ng Donya na kumuha ng tagapangasiwang Kastila sa kaniyang mga ari-arian sapagkat hindi niya pinagkakatiwalaan ang mga Pilipino. Ipinangako naman ng Don ang pamangking si Linares na nag-aaral ng pagkamanananggol, sa gastos ng Donya.


Samantala sila ay nagmimiryenda ay dumating si Padre Salvi. Dati nang kakilala ng mag-asawa ang pari, kaya si Linares na lamang ang kanilang ipinakilala. Kaagad sinabakan na ni Donya Victorina ang pamimintas sa mga tagalalawigan at pinangalandakan na kadikit nila ang alkalde at ang iba pang nasa mataas na estado. Pero, namangha ang Donya nang sabihin ni Tiyago na kadadalaw lamang ng kapitan-heneral sa kanilang tahanan. Halos hindi makapaniwala ang Donya. Gayunpaman, dahil sa wala na siyang magawa sinabi na lamang na nanghinayang siya at hindi matapos ang kanilang pag-uusap, pinuntahan nila si Maria Clara na sana ay noon pa nagkasakit, di sana’y nakadaupang palad nila ang kapitan-heneral.


Nang nakahiga sa isang kamagong na nakukurtinahan ng husi at pinya, ang ulo ni Maria Clara ay may taling panyo na basa ng agua colonia at nakakumot ng puti. Nasa tabi ang dalawang kaibigang babae at si Andeng na may hawak ng punpon ng Azucena. Naitanong naman ni Linares kay Padre Salvi kung nasaan si Padre Damaso, sapagkat may dala itong sulat-tagubilin para rito. Sinabi ni Padre Salvi na dadalaw ito kay Maria Clara kaya napanatag ang loob ni Linares.


Pinulsuhan ng Don si Maria Clara, tiningnan ang dila at sinabing may sakit ito, ngunit mapagagaling. Ang iniresetang gamot niya ay: sa umaga ay liquen at gatas, Jarabe de altea at dalawang pildoras de cinaglosa. Sinamantala ito ng Donya at ipinakilala si Linares na nabigla sapagkat nakatuon ang kaniyang mga mata at isip kay Maria Clara na lubhang nagagandahan. Saglit na nautal ang walang kurap na pagkakatitig ni Linares sa magandang mukha ni Maria nang sabihin ni Padre Salvi na dumating na si Padre Damaso. Ang pari ay kagagaling lamang sa sakit, siya ay putlain, mabuway kung lumakad, payat at hindi masalita. Ang una niyang ginawa ay dumalaw nga kay Maria Clara.

Noli Me Tangere: Mahahalagang Pangyayari sa Buhay ni Maria Clara Noli Me Tangere: Mahahalagang Pangyayari sa Buhay ni Maria Clara Reviewed by JKL on 11:16 PM Rating: 5

No comments:

Note: Only a member of this blog may post a comment.

Powered by Blogger.