Ang Bigote ng Tigre (Pabula mula sa Korea)

Ang Bigote ng Tigre (Pabula mula sa Korea)

Pabula mula sa Korea, isinalin sa Filipino

Noong unang panahon may isang babae na nagngangalang Yun Ok na nauubos na ang kanyang talas ng isip. Ang kanyang asawa ay palaging malambing at mapagmahal pag umaalis tuwing sasabak sa giyera, ngunit mula nang umuwi ito sa bahay ay laging galit at hindi na maintindihan. Natatakot na siyang manirahan kasama ang kanyang sariling asawa. Makita lamang niya ang anino ng asawa ay iniisip na niyang hindi iyon ang dating asawa na kilala at mahal niya.

Kapag nakakaranas sila ng karamdaman, ang kanilang mga kanayon, madalas nilang takbuhan ang isang ermitanyo na naninirahan sa pusod ng bundok upang humingi ng panlunas. Pero hindi si Yun Ok. Palagi niyang ipinagmamalaki na mapapagaling niya ang kanyang sariling mga problema. Ngunit sa pagkakataong iyon ay iba dahil desperado na siya.

Nang papalapit na si Yun Ok sa kubo ng ermitanyo, nakita niyang bukas ang pinto. Sinabi ng matanda na hindi man lamang lumingon sa kanya, "Naririnig kita, ano ang problema mo?"

Ipinaliwanag niya sa ermitanyo ang sitwasyon. “Nagbago na siya”, sinabi ni Yun Ok sa ermitanyo. "Ah oo, madalas na ganoon kapag bumalik ang mga sundalo mula sa giyera. Ano ang inaasahan mong gawin ko tungkol dito?", tanong ng ermitanyo sa babae.

"Gumawa ka ng gayuma!" sigaw ng babae. "O isang anting-anting, inumin, anuman ang kinakailangan upang maibalik ang asawa ko sa dating siya."

Tumalikod ang matanda. "Babae, ang iyong kahilingan ay hindi katulad lamang ng isang impeksyon sa buto o tainga", paliwanag ng ermitanyo. "Tatagal ng tatlong araw bago ko pa ito magawa. Bumalik ka pagkaraan noon," dagdag pa ng ermitanyo.

Makalipas ang tatlong araw, bumalik si Yun Ok sa kubo ng ermitanyo. "Yun Ok," nakangiting bati nito sa kanya, "Mayroon akong magandang balita. Mayroong isang gayuma na ibabalik sa dati ang asawa mo, ngunit dapat mong malaman na nangangailangan ito ng isang hindi pangkaraniwang sangkap. Dalhan mo ako ng isang kumo o bigote mula sa isang buhay na tigre", paglalahad ng ermitanyo.

“Imposible ang pinagagawa mo sa akin. Hindi ko kayang lumapit sa tigre. Natatakot ako”, nanginginig na sabi ko sa kanya. "Hindi ko magagawa ang gayuma nang wala ito!" singhal ng ermitanyo. Tumalikod siya. "Wala na akong sasabihin. Tulad ng nakikita mo, abala ako”, inis na pahayag ng ermitanyo.

Nang gabing iyon ay pabiling-biling sa higaan si Yun Ok. Paano siya makakakuha ng isang kumo o bigote mula sa isang buhay na tigre?

Kinabukasan, bago magbukang-liwayway, dahan-dahan siyang lumabas ng bahay na may dalang mangkok ng bigas na natatakpan ng sarsa ng karne. Nagpunta siya sa isang yungib sa tabi ng bundok kung saan naninirahan ang isang tigre. Kagat-kagat ang labi habang siya’y gumagapang, ang kanyang dibdib ay malakas ang kabog. Maingat nitong inilapag ang mangkok sa damuhan. Pagkatapos, sinubukang gumawa ng kaunting ingay hangga't makakaya niya saka siya umatras at umalis.

Nang sumunod na araw, sa pagbubukang-liwayway, muli siyang kumuha ng isa pang mangkok ng bigas na tinakpan ng sarsa ng karne sa at dinala sa yungib. Lumapit siya sa parehong lugar, kagat ang kanyang labi. Nakita niya na ang mangkok ay walang laman, pinalitan niya ang walang laman, at marahan siyang umalis upang hindi magambala ang tigre.

Araw-araw siyang nagtutungo sa yungib sa loob ng ilang buwan. Hindi niya kailanman nakita ang tigre kahit na alam niya na mula sa mga bakas ng paa sa lupa na ang tigre ay (hindi isang maliit na nilalang sa bundok), ang kumakain ng kanyang dalang pagkain. Isang araw habang papalapit siya, napansin niya ang ulo ng tigre na palabas sa kweba nito. Sumulyap siya pababa, maingat siyang humakbang sa parehong lugar at maingat na di makalikha ng ingay hangga't makakaya niya, inilapag ang mangkok, kumakabog ang dibdib na kinuha ang walang laman.

Pagkalipas ng ilang linggo, muli siyang bumalik sa yungib. Napansin niyang lalabas ang tigre mula sa yungib dahil naririnig niya ang mga yapak nito. Malayo naman siya sa tigre, naisip niya, kailangan niyang makakuha ng bigote, kaya’t kailangan niyang lumapit dito.

Dumaan pa ang ilang buwan, sa pagbabalik niya sa yungib napansin niyang naghihintay ang tigre sa tabi ng walang laman na mangkok. Narinig nito ang kanyang paglapit, dinampot niya ang lumang mangkok at pinalitan ito nang bago. Alam niyang naaamoy siya nito. Naglalaro sa kanyang isipan ang hitsura ng tigre habang naglalagay siya ng sariwang karne sa mangkok. “Madali namang maging kaibigan ang mga katulad ng mga nilalang na ito. Ang kailangan lamang ay makilala ko ito nang lubusan”, bulong niya sa sarili. Muli niyang binisita ang tigre. Unti-unti siyang lumapit, sinulyapan niya tigre at napansin niya ang magaganda at pulang-pulang balahibo nito mula sa isang kilay hanggang sa kabila nito.

Hindi nagtagal, nasanay na ang tigre sa kanyang amoy at sa muli niyang pagbisita ay nakalalapit na siya sa tigre. Nagagawa na rin niyang dahan-dahang kuskusin ang ulo nito. Sa kanyang pagkuskos ay umunat ang bigote nito na tulad sa pusa sa bahay nila.

Alam niyang dumating na ang pagkakataon na hinihintay niya. Kinaumagahan, maaga palang muli siyang nagtungo sa yungib na may dala-dalang isang maliit na kutsilyo. Matapos niyang mailapag ang mangkok ay nagawa niyang makalapit sa tigre. Hinaplos niya ito hanggang nagawa niyang ipadantay ang ulo nito sa kanyang mga hita at bumulong nang ganito. "Oh, aking tigre, maaari ba akong magkaroon ng isa lamang sa iyong mga bigote?" Habang tinatapik ang isang kamay ng tigre, hinawakan niya ang isang balahibo ng bigote nito at sa isang mabilis na hampas, hinugot niya ang bigote. Pagkaraa’y tumayo siya at mabilis na umalis habang umuusal ng pasasalamat sa tigre.

Inakala niya na wala nang katapusan ang paghihirap niya. Isang umaga, napansin niya na ang kanyang asawa ay papaalis patungo sa palayan. Tumakbo siya sa kubo ng ermitanyo hawak ang mahalagang bigote sa kanyang kamao. "Dala ko na! Dala ko na ang bigote ng tigre!" tuwang-tuwang isinigaw niya sa ermitanyo.

"Huwag mong sabihing…?" sabi ng ermitanyo sabay harap kay Yun Ok. "Mula sa isang buhay na tigre?", pagtatakang tanong ng ermitanyo.

"Opo!" sagot ni Yun Ok na tuwang-tuwa.

"Sabihin mo sa akin, paano mo nagawa?" usisa ng ermitanyo na manghang-mangha.

Ikinuwento ni Yun Ok sa ermitanyo ang mga pangyayari sa loob ng anim na buwan, nakuha niya ang pagtitiwala ng nilalang at sa wakas ay napaamo niya at nakuhang putulin ang isa sa mga bigote nito. Pagmamalaki niya sabay abot sa ermitanyo ng kanyang dala. Sinuri ito ng ermitanyo, nasiyahan ito sa dala ni Yun Ok. Nasiguro nito na ang bigote ay mula sa isang buhay na tigre. Saka nito itinapon sa apoy at nasunog sa isang iglap.

"Ano ang ginawa mo?" Sigaw si Yun Ok na kinilabutan. "Yun Ok," marahang sinabi ng ermitanyo, "hindi mo na kailangan ang bigote. Sabihin mo sa akin, mas malala pa ba ang isang tao kaysa sa isang tigre? Kung ang isang mapanganib na mabangis na hayop ay tumugon sa iyong matiyagang pangangalaga, sa palagay mo kaya hindi mo kakayanin ang pag-unawa sa iyong asawa?", mahinahong pahayag ng ermitanyo.

Natahimik si Yun Ok. Pagkatapos ay tumalikod siya at tinungo ang daan pauwi. Namumbalik sa kanyang isipan ang mga imahe ng tigre at ng kanyang asawa. “Alam ko na ang aking gagawin”, natutuwang bulong sa sarili ni Yun Ok.


Mga Aral:

  • Ang pasensya at pag-unawa ay higit na mabisa kaysa anumang gayuma o madaliang solusyon.
  • Sa pagmamahal at tiyaga, napaaamo maging ang pinakamabangis na puso.
  • Ang lunas sa suliranin ay madalas nasa ating sariling kakayahan at hindi sa iba.
Ang Bigote ng Tigre (Pabula mula sa Korea) Ang Bigote ng Tigre (Pabula mula sa Korea) Reviewed by JKL on 4:30 PM Rating: 5

No comments:

Note: Only a member of this blog may post a comment.

Powered by Blogger.